NGAYONG Undas, alalahanin natin ang mga biktima ng pagpatay na hindi pa nakakakuha ng hustisya gayundin ang mga pinatay nang walang kalaban-laban.
Ipagtirik din natin ng kandila maging ang mga itinumba ng riding-in tandem kahit pa sabihin na marami sa kanila ang may sala sa batas.
Wag din nating kakalimutan na ipagdasal ang kaluluwa ng mga ito, kahit pa sabihin na halang ang kanilang kaluluwa noong sila ay nabubuhay pa.
Ipagdasal din natin ang kanilang mga pinaslang dahil tumanggi na ibigay ang kanilang cellphone at bag na naglalaman ng kanilang pinaghirapan.
Isama na rin natin yung mga taong pinagpira-piraso ang mga katawan at ikinalat sa Metro Manila.
Yung mga lumutang sa ilog, at mga taong nilagyan ng pabigat para hindi na lumutang kapag itinapon sa tubig.
At yung mga binundol ng mga overspeeding na bus sa Commonwealth ave., na lumalagpas na sa itinakdang lane para sa kanila, kapag gabi. Isama na rin natin yung iba pang namatay sa vehicular accident.
Ipanalangin din natin yung mga drug pusher na nagbibigay ng tong-pats sa mga pulis para hindi gawin ang kanilang trabaho; at mga pusher na pumapatay ng pulis na gumagawa ng kanilang katungkulan.
Gayundin ang mga taong pinatay kaugnay ng katatapos na barangay elections.
Sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.
Sabi ng mga matatanda, matakot ka sa buhay, huwag sa patay.
Bakit nga naman hindi? Yung mga buhay ang gumagawa ng multo.
Katulad na lamang ng mga ghost project sa gobyerno.
Mga multong proyekto na ginastusan ng pera ng bayan pero hindi napakinabangan — yung mga suplay na binayaran pero hindi naman dumating sa mga ahensya ng gobyerno; sabwatan ng mga supplier at ilang tiwaling opisyal ng gobyerno na binasbasan ng mga inspektor na pumirma para patunayan na may na-deliver na suplay.
Sana kayo ang multuhin!
Katulad ito ng mga alegasyon sa negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Ang modus batay sa mga alegasyon, magtatayo ng non-government organization na siyang pagbabagsakan ng mga pork barrel ng mga kasabwat na mambabatas.
Magbibigay ng pondo ang mga mambabatas pero walang gagawing proyekto. Ibubulsa lang ang pera ng taumbayan.
Ang masakit, kung inutang pa ang pondo na napunta sa NGO. Wala na ngang napakinabangang proyekto, nagbabayad pa ng interes nag taumbayan.
Wag din nating kalimutan yung mga nasa mga ahensya ng gobyerno na pumayag na mangyari ito kapalit ng porsyetong matatanggap.
Sana, kung hindi multo ang humabol sa inyo, sana karma.