Barangay polls madugo | Bandera

Barangay polls madugo

John Roson - , October 29, 2013 - 10:13 AM


BIGLANG tumaas ang election-related incident ngayong Oktubre 2013 kumpara sa 2010 barangay elections, ayon sa Philippine National Police.

Sa tala ng PNP, umabot sa 64 kaso ng poll violence simula September hanggang alas-11 ng Linggo ng gabi, kung saan may 22 katao ang nasawi, ayon kay PNP Public Information Chief Reuben Theodore Sindac.

Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Deputy Director General Felipe Rojas Jr., National Task Force SAFE (Secure and Fair Elections) commander, may 13 insidente na may kaugnayan sa halalan ang naitala bago pa maghapon kahapon.

Noong 2010, umabot lang sa 25 insidente na may kinalaman sa halalan ang nairekord ng pulisya, at 15 katao ang naitalang nasawi rito.

Samantala, umabot naman sa 588 katao ang inaresto dahil sa paglabag sa gun ban; may 500 baril, habang 4,000 rounds ng ammunition, 191 patalim at 68 granada naman ang nakumpiska, dagdag pa ni Sindac.

Umabot sa 6,216 areas of concern sa buong bansa ang naitala. Karamihan sa mga ito ay nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), South Central Mindanao, Bicol Region, Ilocos Region at Eastern Visayas.

May 800,000 kandidato naman ang lumahok sa halalan at 54 milyon naman ang rehistradong botante.

…balot ng karahasan

BINALOT pa rin ng ilang insidente ng karahasan at paglabag sa batas ang barangay elections kahapon sa kabila ng paghahanda ng mga awtoridad.

Sa inisyal na tala ng National Police, sinasabing 13 insidente ng karahasan ang naganap mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng tanghali.

Armado nagpaputok, nanunog
Pinakamaraming naiulat na insidente sa Central Mindanao, kung saan may mga armadong nagpapaputok ng baril at mga di kilalang taong nanunog pa ng paaralan.

Alas-7:30 ng umaga, nagpaputok ng matataas na kalibreng baril at M203 grenade launcher ang mga armado sa Sitio Lakpan, Brgy. Cabayuan, Buldon, Maguindanao, ayon kay Col. Dickson Hermoso, tagapagsalita ng Army 6th Infantry Division.

Pinaniniwalaang balak ng mga armado na harangin ang pagde-deliver ng mga ballot box sa Brgy. Poblacion, aniya.
Linggo ng umaga, si-nunog naman ng mga di nakikilalang lalaki ang  apat na silid-aralan ng isang elemntarya sa   Brgy. Dinganen, Buldon.

Gabi ng araw ding i-yon, pinaputukan namang ng umanoy  grupo ni Macapagal Blao, tumakbong chairman ng Brgy. Macasendeg sa Midsayap, North Cotabato, ang ilang sibilyan sa hangganan ng Pikit.

Muling nagpaputok ang mga armado sa parehong lugar alas-6 ng umaga kahapon, ngunit walang naiulat na nasu-gatan.
Isang shooting incident din ang naiulat sa voting center ng Brgy. Olandang sa Midsayap, at may pagsabog na naganap sa Brgy. Poblacion, M’lang.

Sa Basilan, tinangay naman ng isang di kilalang botante ang ballot box ng dalawang presinto sa Brgy Bohe-Suyak, Ungkaya Pukan, pasado alas-12 ng tanghali.

Dakong alas-2:30 ng hapon, nadiskubre naman ang isang bombang gawa sa ammonium nitrate at time fuse sa likod ng Isabela City Pilot School doon din sa Basilan. Agad dinisarma ng lokal na pulisya ang bomba.

Barilan sa Visayas: 2 patay
Sa Negros Occidental, nasawi ang botanteng si Lione Belleza at sugatan si Brian Bacordo nang pagbababarilin ng mga armado sa Brgy. Poblacion, Toboso, alas-7, ayon naman kay Chief Supt. Agrimero Cruz, direktor ng Western Visayas regional police.

Posibleng may kinalaman sa halalan ang pamamaril, kung saan isa sa limang suspek ay si Gary Enriquez, tumakbo bilang barangay chairman, ani Cruz.

Sa Leyte, nasawi si Pablo Volcan, mister ng incumbent chairwoman ng Brgy. Anibongon, Jaro, at sugatan ang kanyang kasamahan nang barilin ng mga armado alas-7, ayon kay Senior Supt. Brigido Unay, direktor ng provincial police.

Suspek sa pamamaril ang asawa ng isang babaeng kumakandidato bilang chairwoman ng naturang barangay, ani Unay.

Sa Cebu, hinahanap ng mga awtoridad ang limang lalaking naka-camouflage at bonnet matapos nila umanong bigyan ng P100 ang isang babae kapalit ng di pagboto sa Brgy. Amancion, Catmon.

Kandidato, flying voter dakma
Sa Kalinga, dinakip ng mga pulis ang isang lala-king kumandidato bilang kagawad matapos niya umanong manggulo malapit sa paaralan sa  Brgy. Kalanasan, Tabuk City, alas-7:15, ayon kay Supt. Davy Vicente Limmong, tagapagsalita ng Cordillera regional police.

Nakuhaan pa ng kalibre-.45 pistola ang suspek, na ngayo’y nakaditine sa istasyon ng lokal na pulisya, ani Limmong.
Bukod dito, nagsilbi naman aniya bilang election teller ang mga pulis sa Brgy. Mabontot, Lugbuagan.

Di makapagsilbi ang mga guro sa naturang barangay dahil ilan sa mga ito’y kamag-anak ng kandidato at ang iba nama’y miyembro ng ibang tribo, aniya.

Sa Batangas, dinampot ng mga pulis ang 18-anyos na si Monalyn Estor, isa umanong “flying voter.” Bumoto si Estor sa Brgy. Bolbok, Batangas City, gamit ang pangalang Aurora Fragada, ngunit nahuli nang biglang dumating ang totoong Aurora Fragada, ayon kay Senior Insp. Dwight Fonte, tagapagsalita ng Batangas provincial police.

Hirit naman ng Comelec
‘Eleksyon OK’
“WE are happy…everything appears to be okay,” ang naging pahayag ni Commission on Elections chairman Sixto Brillantes, isang oras bago matapos ang halalan kahapon.

Anya, masaya sila dahil 18 insidente lamang umano ang naitala sa 42,000 barangay sa buong bansa. Ilan sa mga insidente na tinutukoy ni Brillantes ay ang delay ng pagdating ng mga ballot box sa mga presinto, ballot snatching at iba pa, na madali rin umanong nasolusyunan.

Tungkol naman sa mga naiulat na karahasan, naniniwala si Brillantes na “very, very minimal” naman ang mga ito at maaaring hindi sabihing “kritikal”.

Taliwas sa pahayag ng PNP, sinabi ni Brillantes na mas konti ang insidente ng karahasan ngayon kumpara noong 2010 barangay elections.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending