Target ni Tulfo by Mon Tulfo
BAKIT pa kailangang magbigay ng courtesy resignation si Undersecretary Rico E. Puno ng Department of Interior and Local Government kay Pangulong Noy?
Bakit hindi na lang niya sabihin na irrevocable ang kanyang resignation dahil sa mga kahihiyan na idinulot niya sa Pangulo.
Ang unang kahihiyan na ibinigay niya kay P-Noy, na kanyang malapit na kaibigan, ay ang palpak na paghawak niya ng hostage crisis sa Luneta.
At ang huli ay ang pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa jueteng scandal.
Sa courtesy resignation, binibigyan ni Puno si P-Noy ng pagkakataon na huwag tanggapin ang kanyang alok na umalis.
Kaya nga tawag ay courtesy resignation: Ibig sabihin ay puwedeng hindi tanggapin ni Pangulong Noy ang alok.
Sa irrevocable resignation, hindi na puwedeng pigilin ni P-Noy ang pagtitiwalag ni Puno dahil tiyak na ito.
Huwag ka nang urong-sulong pa sa pagtiwalag sa Aquino administration, Rico Puno.
Di mo ba nararamdaman na ikaw ay pabigat na kay Pangulong Noy?
Hindi lang siguro masabi ng deretsahan ni P-Noy sa iyo.
* * *
Hindi raw bilib si P-Noy sa conclusions and recommendations ng IIRC report na isinagawa ni Justice Secretary Leila de Lima bilang lider.
“You don’t want to file cases that will not prosper, you don’t want to unnecessarily prosecute people and in that sense persecute them if it’s not warranted,” sabi ng Pangulo.
Kung hindi siya “sold” sa IIRC report, bakit pa niya ipinag-utos na magkaroon ng imbestigasyon sa Luneta hostage crisis na nagbunga ng pagkamatay ng walong Hong Kong tourists?
Ipinakikita ng Pangulo na wala siyang kakayahan bilang magaling na pinuno.
Ang isang tunay na lider ay marunong magdesisyon kahit na ito ay hindi popular sa kanyang mga tauhan.
* * *
Kahit na anong rekomendasyon ang gagawin ng Senado sa imbestigasyon nito sa jueteng, walang mangyayari kung hindi gagawing legal ang jueteng.
Marami nang imbestigasyong ginawa sa mga nakaraang taon.
Anong ibinunga ng imbestigasyon? Wala!
Hangga’t ang Pinoy ay marunong magsugal ay hindi mawawala ang jueteng na nag-umpisa pa noong panahon ng mga Kastila.
Hindi puwedeng itigil ang isang gawain na nakasaksak na sa kultura natin.
Di ba may mga senador noong araw na nagpanukala na alisin ang fiesta dahil ito’y lalong nagpapahirap sa mga tao?
Anong nangyari? Lalong lumaganap ang pag-celebrate ng fiesta kapistahan.
At yung mga senador na nagpanukala na alisin ang pista ay hindi na reelect.
* * *
Ano ang ipapalit na trabaho para sa mga kabo at kobrador ng jueteng?
Kapag itinigil ang jueteng nang tuluyan ay baka mapunta sa hindi magandang trabaho ang mga maliliit na tao na ang hanapbuhay ay jueteng.
Noong panahon ni Robert Barbers bilang DILG secretary, natigil ang jueteng sa maraming lugar.
Hindi kasi tumanggap si Barbers.
Pero lumala ang problema sa droga dahil may mga kabo at kobrador na ang naging hanapbuhay ay magtulak ng droga.
It’s a choice between the lesser evil: droga o jueteng.
Definitely, the lesser evil is jueteng.
Bandera, Philippine news at opinion, 092310