Bandera Editorial
It’s not that the poor aren’t deserving. It is that our help doesn’t do them much good and our energies might be better spent elsewhere. Ed Koch, mayor, New York City
SIMULA nang ibalita ang balak ng gobyernong Aquino na mamahagi ng P4 milyon sa mahihirap, na ipamumudmod ng Department of Social Welfare and Development, mas marami ang kumontra at tumaas ang kilaw kesa pumuri.
Hindi naman masabi ng mga pumuri kung saan gugugulin ng mahihirap ang pera, na maaaring umabot ng sanlibo bawat pamilya. Ano nga kaya ang unang bibilhin ng mahihirap? Bigas (matagal na silang bumibili ng bigas ay kahit paano ay may naitatabi sila sa kakarampot na kita para may maibiling bigas, kahit na ang butil ay pinabayaan na ng gobyerno na tumaas ang presyo (at patuloy na tumataas ang presyo)?
Load (sa cell phone)? Matagal nang nakabibili ng load ang mahihirap at mas magagaling sila kesa sa nakararami para makakuha ng pasa load, at utang (muna) load.
Alak? Mula sa sanlibo, di naman makabibigat kung bumili sila ng long neck para naman makapag-relax (maaari kayong bumaba sa iskwater, sa mga resettlement areas, sa Baseco’t Parola para tanungin sa maliliit na tindahan kung ano’ng alak ang madalas [gabi-gabi, o kahit araw pa] na bilhin ng mahihirap.
Sigarilyo? Aba’y parating may pambili ng sigarilyo ang mahihirap at di sila nalilipasan ng usok sa bunganga.
Shabu? Puwede. Sa sanlibo ay kaya nang bumili kahit isang sachet ng bato.
Pantaya sa jueteng, loteng at lastu? Mas puwede. Dahil ito ang bisyong di nawawala sa mahihirap. Ipaglalaban pa nila na mas may karapatan silang tumaya sa sugal kesa mayayaman dahil ang sugal na kanilang tinatayaan ay mura lang naman.
Sa Gotham City, tulad ng Pilipinas, ay marami rin namang tamad. Kaya sila mahihirap. Asar si Koch sa mga Puerto Rican, Latino’t maiitim dahil ikinararangal pa ng mga ito ang walang pinag-aralan at parang dadapuan ng dengue kapag nagbanat ng buto.
Walang kaibahan ang pera ng New York City at Pilipinas. At kung gagamitin lang ito sa iba pang paraan para makabuti sa mahihirap ay siya sanang gawin.
Huwag ipamigay ang pera.
Bandera, Philippine news at opinion, 092110