IISA lang palagi ang New Year’s Resolution ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda — ang makapagpahinga nang bonggang-bongga.
Ayon sa TV host-comedian, ang palagi niyang ipinagdarasal at hinihiling ay mabigyan pa siya ng sapat na panahon para makapagpahinga at makasama ang kanyang pamilya.
“Lagi naman New Year’s resolution ko extra rest. 2024 plans? More trips with my family kasi na-enjoy namin. Sobrang precious na ‘yun sa akin,” ang pahayag ni Vice sa panayam ng ABS-CBN.
Sinalubong naman ni Vice ang 2024 bilang main performer sa New Year’s countdown na ginanap sa Quezon City.
Sey ng komedyante bago magsimula ang event, “Super happy ko na magiging part ako and first time ko mag-New Year’s countdown.
“Lagi akong may offer sa ganyan pero pinipili ko time sa family pero this time kasi napaaga ‘yung out of the country namin, November pa, kaya hindi na kami aalis ngayon,” lahad ng TV host.
Baka Bet Mo: Gloc-9 binigyang-pugay ang ina at asawa: Palagi nilang inuuna ang kanilang mga anak
“Kaya sabi ko tara patol tayo sama tayo d’yan sa Q.C. masaya ‘yun and I’m sure maraming tao kasi ganu’n di ba talaga nagse-celebrate sila sa parks,” dagdag pa ng Kapamilya star.
Matatandaang nagbakasyon si Vice last November sa Seoul, South Korea kasama ang kanyang family na napapanood sa kanyang YouTube channel.
Isa rin sa hindi malilimutang ganap ni Vice nitong nagdaang 2023 ay ang pagiging bahagi ng “Forever Grateful: The ABS-CBN Christmas Special” sa Araneta Coliseum.
“Ang sarap po sa pakiramdam na nagbabalik tayo dito sa the Big Dome. Napakasaya ko na muli tayong nagsama-sama sa napakahalagang okasyon na ito.
“Ito ay gabi ng pasasalamat at pagdiriwang para sa inyong lahat. At maraming salamat po sa inyong walang sawang pagmamahal.
“Ngayong pasko magsasaya tayo dahil ito ang pinakamagandang kuwento,” ang mensahe pa ng Unkabogable Star.
Baka Bet Mo: Kampo ni Debbie Garcia sa isinampang kaso kay Barbie Imperial: We have yet to receive a copy of the Resolution…
Napakarami ring realisations ni Vice sa kanyang travel vlog series na “Gandara The Beksplorer Season 2.”
“Kung akala natin na ang hirap hirap ng buhay sa Pilipinas, hindi lang ‘yun ang level ng hirap sa Pilipinas.
“Kung lalabas lang kayo at makakarating kayo sa iba’t ibang lugar, lalabas kayo, mawawala kayo sa comfort zone ninyo, madidiskubre niyo na ibang level pala ng hirap ang dinadanas ng napakaraming tao.
“Magugulat, madudurog ang puso ninyo at mapapadasal ka na lang talaga, na parang kakabahan ka sa future but at the same time ipagdadasal mo na hindi mawala ‘yung pag-asa sa puso ng napakaraming Pilipino,” aniya pa sa naturang interview.
Recently lang ay naging headline rin sa mga entertainment websites ang pagreregalo niya ng bagong sasakyan sa kanyang inang si Ginang Rosario Viceral last Christmas.