MAY Filipino celebrity nanaman ang nadismaya sa isang luxury store sa ibang bansa matapos magkaroon ng masamang karanasan mula sa mga empleyado nito.
Ayon sa aktres na si Diana Zubiri, silang dalawa ng kanyang mother-in-law ang inisnab at sinungitan ng store staff sa isang Louis Vuitton store sa Adelaide, Australia.
“Nakapang-workout gear lang ako tapos ‘yung mother-in-law ko rin hindi masyado, alam mo na, typical na Australian, simple lang ‘yung damit,” kwento niya.
Pag-alala niya, “So pumasok kami sa store na ‘to, nagtanong kami, nag-inquire kami magkano kasi walang presyo, tapos hindi kami pinapansin.”
“Tapos ‘yung pangalawang tanong namin, sabi ‘You wait for your turn until may bakante, ganyan’,” lahad pa niya.
Baka Bet Mo: Sharon Cuneta hindi pinapasok sa Hermes store, namakyaw sa Louis Vuitton: I bought everything!
Dagdag pa niya, “Naintindihan naman namin pero parang sana maayos lang ‘yung pagkakasabi kasi it’s not maayos, na parang nagmamadali sila, na parang hindi sila interesado samin kasi ganon lang ‘yung itsura namin. Ganon ‘yung na-feel ko.”
Dahil daw sa pagtrato sa kanila ng mother-in-law niya ay umalis nalang daw sila sa nasabing store.
“Pwede naman sabihin ‘We’re not available yet,’ kasi kulang talaga sa tao kumbaga parang ang ine-expect ko lang na sabihin, ‘One moment please,’ basta maayos, basta pleasant so nag-walkout na lang kami,” chika ni Diana.
Kinabukasan, nagpasya ang aktres na bumalik sa luxury store na nakabihis ng mas maganda kaysa last time.
Ayon sa kanya, naging mas maganda ang serbisyo at umaasa siya na sana hindi lang sa kasuotan ang basehan upang mabigyan ng maayos na treatment.
Hindi ito ang unang pagkakataon na na may Pinoy celebrity ang nakaranas ng katulad kay Diana.
Kung matatandaan noong 2019, nag-open up si Asia’s Songbird Regine Velasquez na nakaranas siya ng diskriminasyon noong nagsho-shopping siya sa Louis Vuitton store sa New York City.
Noong nakaraang taon naman ay hindi pinapasok si Megastar Sharon Cuneta sa luxury store na Hermes sa South Korea, pero siya ay mainit na tinanggap naman ng Louis Vuitton store within the area kung saan siya’y nag-shopping nang todo.