PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Aquino ang eleksyon ngayon, na lalahukan ng 54 milyon botante. Naniniwala si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., na dadagsain ang halalan ngayon, bagaman aminado siya na walang perpektong eleksyo sa mundo.
Sinabi ni Secretary Herminio Coloma Jr., ng Presidential Communications Operations Office, na boboto si Aquino ngayong umaga sa Tarlac.
“Sa gaganaping pambarangay na halalan, pangungunahan ng Pangulong Aquino ang 54 na milyon botante sa pagpili ng mga mamumuno at maglilingkod sa ating mga barangay,” ani Coloma.
Samantala, naka-full alert ang National Police at Armed Forces ngayon para sa kaayusan ng halalan. Sa nakalipas na linggo, itinalaga sa iba’t ibang “priority areas” ang mga pulis.
Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ay minamanmanan ang 10 barangay sa Metro Manila. Sinabi ni Chief Supt. Dennis Pena, NCRPO deputy director for administration, na nagsagawa ng preemptive measures ang pulisya sa 10 barangay para mapigilan ang gulo’t karahasan.
Ang barangay na minamanmanan ay Barangay 503 sa Maynila; Barangay 87, Caloocan; Barangay Balong Bato, Valenzuela; Barangay Maharlika, Taguig; Barangay Pineda, Pasig; Barangay Pio del Pilar, Makati; Barangay Santo Domingo, Quezon City; Barangay Catmon, Malabon; Barangay West Navotas at Northbay Boulevard South, Navotas.
Sinabi ni Pena na ang talaan ay mula sa mga kaganapan sa nakalipas na mga halalan. May 94,124 ang mga kandidato para sa 42,028 posisyon pagka-barangay chairman; at 715,012 kandidato sa 294,196 posisyong pagka-kagawad.