NAGING maaga ang Pasko para sa ilang residente ng Brgy. Tatalon dahil sa pagbisita ng singer-songwriter at OPM icon nasi Ice Seguerra.
Hindi naging tipikal ang growing up years ng dating child star dahil sa kanyang kasikatan noon. Maraming nakakakilala at natutuwa sa kanyang pagiging bibo, kaya hindi siya basta-bastang nakakalabas at nagkakaron ng pagkakataon na makihalubilo sa kapwa niya bata sa lugar nila.
“Naaalala ko, para makapaglaro ako kasama ng ibang bata sa lugar namin, pinasasara yung buong kalsada tapos may mga tanod na nagbabantay sa magkabilang dulo,” kuwento ni Ice na 40 years old na ngayon.
Dala ng kanyang popularidad, maraming mga bagay ang hindi na-experience ni Ice at isa na rito ang pangagaroling tuwing kapasukuhan.
“Maaga kasi akong nag-artista so never ko inabot yung opportunity na makapag-karoling sa mga random house, as in walk house-to-house. Kaya gusto ko talaga siyang gawin,” ani Ice.
Kamakailan, nagkaroon ng katuparan ang wish ng premyadong singer na makapagkaroling sa ilang piling residente ng Barangay Tatalon sa Quezon City sa pamamagitan ng kanyang partnership sa Solmux Advance, ang upgraded na solusyon galing sa popular na brand ng gamot para sa ubo na gawa ng Unilab, Inc..
Naging maaga ang Pasko para sa mga nakatatanda na sina Golden Alquiza, Fe Ocheada, Simplicia Cunanan, Erlinda Sese, at Isabel Angeles nang bisitahin sila ni Ice upang maghandog ng mga awiting Pamasko.
Lahat sila ay nasorpresa sa hindi inaasahang pagdating ng celebrated singer-songwriter.
Unang nagtungo si Ice sa tinutuluyan ni Lolo Golden, 63-years-old at wala ng pamilyang kumakalinga. Ayon kay Lolo Golden ay matagal na siyang iniwan ng kanyang asawa habang ang dalawa naman niyang anak ay hindi din bumibisita sa kanya.
Baka Bet Mo: Mommy Caring todo-iyak nang malaman ang pinagdaanang depresyon at anxiety ni Ice Seguerra
Naaksidente noon si Lolo Golden kaya siya napilay ngunit sa kabila nito ay nagsisikap pa rin siyang maghanap-buhay bilang isang parking boy upang may pambili siya ng pagkain at gamot.
Bakas ang tuwa sa mukha ni Lolo Golden nang makita at marinig ang boses ni Ice. “Masaya ako na nadalaw niya ako. Naalala ko ang mga anak ko sa kanya,” ani Lolo Golden.
Sunod na pinuntahan ni Ice ay ang tirahan ni Lola Fe, isang stroke patient na ang ikinabubuhay ay ang paggawa ng mga basahan. Kasama nitong namumuhay ang dalawang apo at isang pamangkin na isang breast cancer survivor.
Katulong niya ang mga ito sa mga gawaing bahay. Ani Lola Fe, hindi niya naisip na posibleng madalaw siya ni Ice para kantahan. “Napapanood ko lang siya sa TV dati, ngayon may dala pang regalo na prutas at gamot,” sey ng 71-anyos na balo.
Nagpatuloy ang pangangaroling ni Ice sa bahay ni Lola Simplicia, isang 76 anyos na balo. Sa kabila ng kanyang edad at kondisyon, siya pa rin ang nag-aalaga sa anak niyang may cerebral palsy na ngayon ay 39 anyos na.
Gayunpaman, walang pagsidlan ng galak si Lola Simplicia nang matanaw na nito kung sino ang nasa tapat ng bahay niya. Dumaloy ang mga luha ng kasiyahan dahil hindi din siya makapaniwala. “Hindi ko inaasahan na si Ice ang masisilayan ko paglabas. Sobrang saya ko.”
Samantala, ang 60 anyos na si Erlinda Sese ay sinalubong ng yakap si Ice habang ito ay naglalakad papalapit sa kanyang tahanan.
Balot man ng lungkot dala ng trahedya ng pagkamatay ng dalawa sa kanyang mga mahal sa buhay, ang kanyang anak at asawa, malugod nitong tinanggap si Ice at matamang nakinig sa tinig ng mga awit na handog para sa kanya ng singer-songwriter.
Ang huling bahay na pinuntahan ni Ice ay ang tirahan ni Lola Isabel, isang 90 anyos na mayroon ding anak na disabled at bedridden. Maraming anak si Lola Isabel ngunit may mga pamilya na rin ang mga ito at hirap din sa buhay.
Upang may pambili ng pagkain at gamot, nangangalakal si Lola Isabel kasama ang isang anak na tumutulong sa kanya.
Tunay na hindi malilimutan ng mga indibidwal at kanilang mga pamilya ang pagbisita at pangangaroling ni Ice ngunit naging mas makabuluhan ito para sa mang-aawit.
“Happy ako na napuntahan ko sila kasi malambot talaga ang puso ko sa mga matatanda. I see my parents in them and I wish now that they are in their twilight years, sana they could rest and enjoy life, yung tipong nagwawalis na lang sila sa harap ng bahay or nagha-hardin,” pagbabahagi pa Ice.
Aniya pa, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan para sa kanya ang pangangaroling.
“My job is to sing and when you’re younger, you do it for the money. Kahit magkano, kahit barya-baya. But now, singing for people and making them happy… singing for one person and this person probably needs it the most at that particular time, it gives me purpose.
“I’m not really big on giving gifts and I don’t know why. But what I can give is my time and the talent that was given to me. I can share it with people and these people, sila ‘yung mga hindi nakakapanood ng gigs.
“Sila ‘yung mga hindi na makalabas, so it’s nice that I can bring it to them, mas nagiging purposeful ‘yung trabaho ko,” dagdag niya.
Bago ang naganap na pangangaroling ni Ice, nagpapagaling ito mula sa sipon at ubo na may kasamang asthma. Kaya naman masaya siya at itinuring niyang blessing na ang kapartner niya sa ginawa nyang activity ay ang Solmux Advance.
At sa kabila nga ng pagod ni Ice ng gabing iyon, nakangiti pa rin ito hanggang sa matapos niya ang pangangaroling sa bawat bahay. Aniya, “I am tired but I am happy because it’s all worth it.”
Sa huli, nais ni Ice na gawin ang pangangaroling taon-taon, “Alam ko ang power of music at kung ano ang nagagawa nito sa tao. Kung mapapangiti ko sila kahit sandali, at kung mangingiti sila dahil naalala nilang napasaya ko sila sandali kahit ano pa ‘yung pinagdadaanan nila for the day, that’s it for me.”