Pag-asa Island at Ayungin shoal, dapat palakasin ng AFP at Amerika

west philippine sea

Habang tumatagal, tumitindi ang panggigipit at pag-alipusta ng bansang China sa ating militar sa pinagtatalunang West Philippine Sea. Ilang beses nang binomba ng water cannon, binangga ang ating mga barko, at hinabol ng malalaki nilang Coast Guard, partikular sa Ayungin Shoal kung saan naroon ang ilang sundalo ng Philippine Marines sa grounded na BRP Sierra Madre. Wala talaga tayong kalaban-laban dahil sa laki, dami, at modernong mga barko ng China.

Sa ganitong pagkakataon, tama lang si PBBM na humingi na ng tulong sa kaalyado nating mga bansa, dahil hindi nagbabago ang sistema ng mga Intsik. Gusto nila na pag-usapan “bilaterally” ng China at Pilipinas lamang ang pagtatalo sa teritoryo, pero tuloy ang kanilang bullying at pananakot. Ngayon, ang mga “kuya” nating Amerika, Japan, EU nations, Australia ay kumikilos na ngayon upang unti-unting tapatan ang ginagawa ng China. Kahit ayaw ko nang personal, tama na rin ang paglalagay ng mga Amerikano ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) bases sa siyam na lugar sa bansa para masuheto ang nakikipag-away nating kapitbahay. Tig-isa sa Cagayan de Oro, Cebu, Nueva Ecija, Pampanga, Isabela, tig-dalawa sa Palawan at Cagayan. Pinayagan na rin ang mga Amerikano na makapasok at mag-operate sa dati nilang Subic Naval Base at Clark Air Base.

Pero, kahit ganito hindi talaga tumitigil ang China sa panggugulo. Nito lamang Sabado, nakita ng nagpapatrulyang Philippine Coast Guard ang “swarming” ng 135 Chinese militia ships sa Julian Felipe (Whitsun Reef) na ang layo ay 324 kilometers lamang sa west ng Bataraza, Palawan, pasok sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ). Ito ay “low tide elevation” na malapit lamang sa Kalayaan Island Group at maliwanag na kabilang sa ating “sovereignty.” Malapit din ito sa pinaiikutan nilang BRP Sierra Madre sa sandbar ng Ayungin Shoal na 194 kilometers lamang ang layo sa Palawan.

Napakarami na nating isinampang diplomatic protests laban sa ganitong sistematiko at tuluy-tuloy na pambu-bully sa naturang mga teritoryo, pero sa buong mundo, palagian silang nananawagan daw ng “peaceful dialogue.” Kaya nga ang tanong ng maraming mamamayan, saan tayo dadalhin ng ganitong paulit-ulit na pambabastos sa atin? Tayo lang mga Pilipino ang kayang-kayang insultuhin. Hindi sila umubra sa Vietnamese na gumiyera sa kanila at kitang-kita din na mas mabait sila sa Malaysia at Indonesia, kaysa sa atin.

Paano ba tayo makakakurot man lang sa mga Chinese na ito? Bilang mamamayan, siguro simpleng boykot muna ng kanilang mga produkto. Tangkilikin muna natin ang mga lokal na produkto o kaya yung made in the USA, Taiwan, Japan, EU, South America, Africa, India o ASEAN. Basta huwag lang galing sa China. Mahirap gawin dahil halos lahat ng bilihin dito ay galing ng China, ika nga, masyado tayong “dependent” sa kanilang mga produkto. Tingnan na lamang ang Divisoria, Chinatown, at mga malalaking mall. Mahirap talagang gawin. Pero, pwede tayong magsimula sa maliit na mga bagay. Halimbawa, huwag na munang mag-online shopping, lalo’t karamihan diyan ay Chinese-owned, tulad ng Shopee, Lazada, Shein, Alibaba, at iba pa. Huwag na ring pumunta bilang turista sa China, total, sila rin ay binoboykot ang Pilipinas. Kung dati rati sila ang top visitors natin, ngayon halos wala na. Kaya, amanos lang. Sa mga negosyante, bawasan na rin ang negosyo galing sa China.

Pero, mas pinakamalaking kaganapan sana, kung tototohanin, ay talagang magkatapatan na ang Amerika at mga kaalyadong bansa nito upang i-check ang China at hindi na magkaroon ng digmaan dito. Bukod sa EDCA sites, Subic at Clark Base, siguro mas magandang magtayo ng military base ang America at allied nations sa mismong Pag-asa Island sa Kalayaan Group. Kung pupwede nga, doon mismo sa Ayungin Shoal kung saan naroon ang BRP Sierra Madre, simulan ng Amerika at Pilipinas ang “reclamation” upang magtayo rito ng “artificial island” na lalagayan ng military facilities tulad ng airport, seaports upang tapatan ang Chinese military force diyan. Sa ngayon, anim ang “artificial islands” ng China sa lugar na iyan na itinayo noong 2013 na nakapagtatakang hindi pinansin ni dating US president Barack Obama. Tatlo rito ay “fully militarized” tulad ng Mischief Reef, Subi Reef, at Fiery Cross Reef na merong mga radar equipment at posibleng missile launchers sa mga garahe. Ginawa rin nilang artificial islands ang Cuarteron Reef, Hughes Reef, at Gaven Reef at ayon sa report, merong 5,000 Chinese soldiers ang nakatalaga sa mga islang iyan. Ang artificial islands ay umaabot na sa 1,295 ektarya na ngayon ay nagpalakas sa “offensive capability” ng People’s Liberation Army (PLA).

Naniniwala ako na kapag nagtayo ng artificial island din ang Pilipinas at US sa Ayungin Shoal at palakahin din ang Pag-asa Island, kahit paano ay magkakaroon ng “deterrence” sa panggugulo ng mga Chinese. Katulad ng sabi ko kanina, binuo nila ang anim nilang military islands nang hindi natin sila ginulo o pinakialaman ng Amerika. Ngayon namang tayo ang gagawa ng sa sarili nating “artificial islands” sa ating soberanya ay bakit sila kokontra?

Sa totoo lang, China ang mismong may kasalanan kung bakit tayo humingi na ngayon ng tulong sa kuya nating Amerika. Anim na taon silang sinuportahan ng husto ni dating Pangulong Duterte, pero wala riyan nangyari. Binola lang tayo at pinayagan lang pansamantala na mangisda tayo sa Scarborough Shoal. Tapos wala na, ni hindi gumalaw ang “Code of Conduct” ng ASEAN sa South China Sea. Samantala, patuloy ang bullying sa loob ng anim na taon kahit kakampi nila si Duterte.

Kaya naman, tayong mga Pilipino ay hinding-hindi na dapat pumayag na magpa-bola muli sa China na palagiang ipinapamukha sa atin ang kanilang nine-dash line. Protektahan natin ang Kalayaan at mga isla natin sa Spratleys sa pamamagitan ng pagtatayo rin ng “artificial islands” at military facilities diyan katulong ang US, Japan, at allied nations. Kapag nakuha nila ang Taiwan, baka pati Philippine (Benham Rise) ang susunod nilang sakupin. Kaya nga, kilos na sambayanang Pilipino.

Read more...