‘Shake, Rattle and Roll Extreme’ paniguradong mapapahiyaw ka sa takot

'Shake, Rattle and Roll Extreme' paniguradong mapapahiyaw ka sa takot

PHOTO: Courtesy Instagram/@regalfilms50

NA-MISS namin ang “Shake, Rattle and Roll” movies ng Regal Films kaya naman nu’ng maimbitahan kami sa red-carpet premiere night nitong Linggo sa Market Market ay talagang go kami kahit malayo pa sa amin.

Nakasanayan na rin kasi naming manood ng SSR tuwing Metro Manila Film Festival at through the years ay maraming pagbabago na rin ang pelikulang ito ng Regal Films na ngayon ay Shake, Rattle and Roll Extreme na dahil talagang mapapahiyaw ka sa takot at gulat with matching ‘ewww’ sa episode na “Mukbang” na talaga namang hihinto ka kung may kinakain ka sa loob ng sinehan.

Napapanahon ang “Mukbang” na ikalawang episode ng SSRE nina Jane Oineza, RK Bagatsing bilang social media influencers na naghahanap ng kakaibang contents para sa views nila bilang mag-dyowa at iba pa.

Kasama rin ang content creator na si Ninong Ry sa karakter niyang cook na talagang gugutumin ka sa mga niluluto niya at natural ang pag-arte niya kaya para rin kaming nanonood ng YT channel niya.

Ang “Mukbang” ay idinirek ni Jerrold Tarog na comedy ang tema kaya hiyaw at tawanan ang maririnig sa mga kasabayan naming nanood.

Ikatlong episode naman ang “Rage” nina Jane de Leon na nagpakita ng talento nito sa action bilang sanay naman na siya dahil sa ginampanan niyang karakter dati na si Darna.

Baka Bet Mo: Paul, Paolo feeling lucky na mapasama uli sa ‘Shake, Rattle & Roll Extreme’; Jane umaming ‘SRR’ baby

“Walking dead” ang tema ng “Rage” kaya napagod din kaming panoorin ito dahil sa kakatakbo nila. Kasama ni Jane sina Paolo Gumabao, Bryce Eusebio, Rob Gomez, Liz Alindogan at marami pang iba mula sa direksyon ni Joey de Guzman.

Feeling namin pagkatapos ng shooting ng Rage ay naglalagkit ang buong cast at talents dahil sa mga likidong nasa mga katawan nila at kanya-kanya siguro itong talon sa dagat para maligo since malapit doon ang location.

Nagpatikim ulit si Iza Calzado ng kanyang Amihan moves bilang orihinal na cast ng seryeng “Encantadia” habang nilalabanan ang halimaw sa episode na “Glitch” na sa sobrang suspense ay nagtatakip kami ng mata at maririnig na lang namin ang mga hiyawan na nakakabingi lalo na ang gumanap na anak ng aktres sa pelikula na walang tigil sa kasisigaw, siguro pinag ginger shot para hindi mamaos.

Magaling pa rin si Iza at kasama niya rito sina Donna Cariaga at dalawang bagets bilang mga anak niya mula sa direksyon ni Richard Somes na isa ring halimaw pagdating sa action films.

Sinadya naming hindi idetalye ang kabuuan ng pelikula para ma-curious ang manonood sa pagbubukas ng Shake, Rattle and Roll Extreme bukas, Miyerkoles, Nobyembre 29 sa mga sinehan handog ng Regal Entertainment, Inc.

Anyway, habang papauwi kami ay pinag-uusapan pa rin namin ang SSRE at totoo nga, hahanapin ito ng millenials na nakasanayan na itong panoorin tuwing MMFF.

Read more...