Cone gagawa ng bagong PBA record


TINUGUNAN ng beteranong si Tim Cone ang lahat ng kumbinasyong ipinukol ng rookie head coach na si Gelacio Abanilla III sa winner-take-all Game Seven ng Smart Telpad PBA Governors’ Cup Finals noong Biyernes.

Kitang-kita iyon ng lahat. Dahil doo’y dinaig ng San Mig Coffee ang Petron Blaze, 87-77, upang maibulsa ang kampeonato ng season-ending tournament.

Ito ang ika-15 kampeonato ni Cone bilang head coach sa pro league at napantayan niya ang record ni Virgilio “Baby” Dalupan bilang winningest coach ng PBA.

“It’s a humbling experience,” pag-amin ni Cone na naghatid sa San Mig Coffee sa limang sunud-sunod na semifinals appearances at dalawang kampeonato.

Buhat nang lumipat mula sa Alaska Milk kung saan napanalunan niya ang unang 13 titulo niya, minsan lang hindi umabot sa semis ang San Mig Coffee.

Ito ay noong 2011-12 Philippine Cup kung saan na-upset sila ng eighth-seed Powerade sa quarterfinals. Paulit-ulit nang nasasabi ni Cone na isa siyang fan ni Dalupan.

Subalit noong bata pa siya ay fan siya ng Toyota at hindi ng Crispa. “But Crispa kept winning over Toyota. And when you look at it closely, you’ll realize that the reason behind that is Dalupan. You curse him but later you admire him,” ani Cone.

Mula nang naging bahagi ng PBA — una’y bilang miyembro ng broadcast panel hanggang sa maging coach ng Alaska Milk ay ilang beses na ring nakasama ni Cone si Dalupan sa mga pagtitipon at dinners.

At ang kanyang paghanga kay Dalupan ay lalong lumalim. Ang unang championship stint ni Cone ay kontra Dalupan. Ito’y nang magkita ang Alaska Milk at Purefoods sa best-of-five Finals ng 1990 third conference.

Halos abot kamay na ni Cone ang tagumpay noon dahil sa nilamangan ng Alaska Milk ang Purefoods, 2-0, sa serye at nakaamba na ang walis.

Subalit nakabalik sina Dalupan at ang Purefoods at nagposte ng tatlong sunud-sunod na panalo upang maiuwi ang kampeonato. Ang Purefoods ang kauna-unahang koponan sa kasaysayan ng PBA na nagwagi ng huling tatlong laro sa Finals upang magkampeon.

Iyon ang ika-15 at huling titulong napanalunan ni Dalupan sa PBA. Si Dalupan, kilala blang “The Maestro” ay nanalo ng 15 titulo sa 16 PBA seasons.

At ngayon, matapos ang 23 taon ay napantayan ni Cone ang record ni Dalupan. Siguradong mabe-break ni Cone ang record na ito.Ang tanong pagkatapos nun ay kung sino ang makakalampas sa record na itatala ni Cone? Malamang sa hindi na natin malaman ang kasagutan.

Read more...