Bandera Editorial: Nagaganap ang hula | Bandera

Bandera Editorial: Nagaganap ang hula

- September 06, 2010 - 10:45 AM

Bandera Editorial

NOONG nanumpa sa tungkulin si Pangulong Aquino, isinabay sa isyu ng Bandera ang hula ni Joseph Greenfield, ang resident psychic ng pahayagan. Si Aquino ay isinilang sa taon ng Daga, sa ilalim ng Chinese astrology, at ang kanyang “maraming kahinaan,” ayon kay Greenfield, ay magbubunsod para “gumewang ang administrasyon.” Sa unang taon ng panunungkulan ay nakita na ang “kaguluhan” at “intriga sa loob… ng administrasyon” dahil base sa mga pangunahing kahinaan ng Daga, madali siyang “maimpluwensiyahan, madaling matakot, kimi, walang sariling disposiyon, pala-asa sa harap ng mga panganib at pagsubok…” Hula lamang ito at may mga hula rin naman na di nagkakatotoo. Pero, nakapaninindig-balahibo kapag tila nagkakatotoo nga. Ang pag-ako ni Aquino ng responsibilidad sa madugong hostage crisis sa Luneta ay dapat na magsilbing tuldok at sagot sa araw-araw ng pag-ukilkil sa isyu at paghahanap ng tugon sa napakaraming tanong. Pero, tila di hihinto ang usap-usapan at paninisi, na likas kapag may pumalpak na gawa (tulad ng 9/11 bombings sa Estados Unidos, na bumuyangyang ang katotohanan na pabaya pala ang Kano sa internal security). Ano ang aasahan ng publiko at buong mundo sa imbestigasyong isinasagawa ni Justice Secretary Leila de Lima (bagaman hindi kumpleto ang kanyang panunuri dahil di man lang nabanggit ang Super SWAT ng NCRPO na isinantabi dahil sa politika)? Alisin ang responsibilidad kay Aquino at idiin ang ilang heneral at maliliit na isda? Ang purihin ang ginawa ng pamahalaan? Ang kasuhan ang dapat kasuhan, iligtas ang dapat iligtas at pabayaan na lang ang dapat pabayaan? Paano iaangat ni De Lima ang nadapang pamamahala ng kanyang boss? Ilang sektor ng politika, mga opisyal ng militar at pulisya, at maging ang intelligence community ng Amerika, ay nakamasid sa bansa at ginawang batayan ang nakalipas na “unos.” Sa nangyari, may kakayahan ba ang pamahalaan, na naging sunud-sunuran na lang sa mga nagaganap sa Luneta? Higit sa lahat may paghahanda ba ang pamahalaan sa susunod na “unos” nang sa gayon ay hindi na “gumewang ang administrasyon?”

Bandera, Philippine news at opinion, 090610

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending