Bandera Editorial
SA WAKAS ay isiniwalat na rin ni National Police chief Director General Jesus Verzosa ang totoo: na naapektuhan (may nagsasabing bumaba, pero hindi naman bumagsak) ang morale ng pulis dahil sa batikos na tinanggap ng bansa mula mismo sa armchair experts sa gobyerno at sa ibang bansa (ang kaibahan ng batikos sa ibang bansa, bagaman masasakit ang kanilang sinabi, meron naman silang siyentipikong litanya kung paano pamunuan at pamahalaan ang hostage situation na maaari nating gawin simula ngayon). Ang Manila Police District ay sanay sa hostage drama. Dangan nga lamang, ang nangyari noong Agosto 23 sa Luneta ay kinabilangan ng mga taga-Hong Kong. Kung tutuusin ay ngayon lang sumablay ang SWAT ng MPD sa hostage situation. Kung ang babalikan ay ang pamumuno sa SWAT ni ex-Maj. Jimmy Santiago, na ngayon ay abogado na, walang kontrobersiyang naganap. Hindi rin pinuna, nabatikos o pinagdudahan lahat ng judgement call, o desisyon, ni Santiago. Sa kapanahunan ni Santiago, siya na ang may pinakamaraming hostage drama sa lungsod ng Manila’s Finest. At dahil sa lahat ng hostage situation ay nagtagumpay ang mga pulis, tila nakauumay na ang bawat pambibihag. Hindi na pinapansin ng taumbayan ang mga tagumpay ni Jimmy Santiago. Sa kanyang termino, hindi pinakialaman ang SWAT ng sinumang opisyal. Kahit hepe ng pulisya ay panaka-naka na lamang na nasa crime scene, at yan ay kung medyo lalawig pa kaganapan. Sa naganap noong Agosto 23, halos hindi nakakilos ang SWAT. Bukod sa ground commander, may police unit chief na nangunguna at nag-uutos–sa SWAT. Hindi na kailangang magpasya ng SWAT. Naghihintay na lamang sila sa utos ng mga bossing. May ilang sniper na itinalaga ang SWAT sa iba’t ibang lugar sa panimula pa lamang. At noon ay maaari na nilang tapusin ang nagaganap. Ang inilahad ni Verzosa ay ang tunay na nararamdaman ng taal na pulis. Hindi bobo ang mga kasapi ng SWAT. Meron silang pagsasanay, bagaman maaaring di sapat dahil hindi naman ito pinopondohan, at meron silang kapasyahan. Dangan nga lamang at hindi ito binigyan ng puwang–sa dami ng mga nakikialam sa Manila Police District.
Bandera, Philippine News at opinion, 090110
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.