Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Petron Blaze vs San Mig Coffee
GAYA ng inaasahan, isang huling matinding salpukan sa pagitan ng San Mig Coffee at Petron Blaze ang dedetermina kung sino sa dalawang koponan ang mag-uuwi ng huling kampeonato ng kasalukuyang season.
Ang Mixers at Boosters ay magkikita sa Game Seven ng PLDT Telpad PBA Governors’ Cup Finals mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang magwawagi ang siyang tatanghaling kampeon.
Naitabla ng Petron Blaze ang serye matapos na magwagi, 99-88, sa Game Six noong Miyerkules.
Ang larong iyon ay animo kontrolado ng Boosters sa umpisa dahil sa nakapagposte sila ng 16 puntos na kalamangan. Subalit nagising ang Mixers sa second half at nakaremate.
Lumamang pa ang San Mig Coffee sa fourth quarter subalit nagkaroon ng sunud-sunod na errors sa dulo ng laro upang maging daan para magtagumpay ang Petron at maitabla ang serye.
Nagbida para sa Petron ang import na si Elijah Millsap na hindi ininda ang pananakit ng kanyang paa mula umpisa ng laro. Si Millsap ay nagtala ng 30 puntos, walong rebounds, anim na assists at dalawang steals.
Nakakuha rin ng matitinding numero ang Petron Blaze kina Most Valuable Player Arwind Santos at prized rookie June Mar Fajardo.
Ang San Mig Coffee ay nagkaroon ng pagkakataong wakasan ang serye nang umabante sila, 3-2, matapos ang panalo sa Game Four (88-86) at Game Five (114-103).
“We’re happy to have survived Game Six and force Game Seven. But we still have one more win to secure and I’m sure the boys will give it their best shot,” ani Petron coach Gelacio Abanilla III na may tsansang maka-kumpleto ng isang Cinderella finish matapos halinhan si Olsen Racela bago mag-umpisa ang torneo.
Pinuri rin ni Abanilla si Santos at sinabing, “We knew he would deliver. He is our best local player. He is the Most Valuable Player of the season.”
Sa kabila ng pagkatalo sinabi ni San Mig coach Tim Cone na determinado silang makamtan ang titulo.
“This is it! No more room for lapses in Game Seven,” ani Cone na nakatuon ang pansin sa pagsungkit ng kanyang ika-15 kampeonato upang maging winningest coach sa PBA.
Si Cone ay sasandig kina Marqus Blakely, James Yap, Peter June Simon, Marc Pingris, Mark Barroca at Joe Calvin Devance. Makakatulong nina Millsap, Santos at Fajardo sina Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Doug Kramer.
Sakaling magtagumpay mamaya ang Petron, makakamit nito ang ika-20 titulo sa prangkisa.