Ibinahagi niya ang sulat para sa mga magulang na magkasunod na pumanaw sa piling nilang magkakapatid na sina G. Renato at Gng. Angelita Santos.
Habang binabasa ng singer ang sulat ay marami na kaming naririnig na sinisipon at basag ang boses sabay punas ng kanilang mga mata.
Ang hirap nga naman para kay Erik na nagdiwang ng kanyang 20th year sa industriya na hindi niya kapiling ang magulang.
At kami rin ay nanibago dahil karamihan ng shows ng binata ay napanood namin at laging nasa front seats ang magulang na aalayan niya ng kanta at saka siya lalapitan, hahagkan at aalayan ng bulaklak ang pinakamamahal na ina at yakap naman para sa ama sabay pasalamat.
Pero nitong Biyernes pagkatapos mag-dueto nina Erik at bunsong kapatid na si Hadiyah Santos habang pina-flash sa big screen ang mga larawan ng pamilya na magkakasamang namamasyal sa ibang bansa, nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at iba pang okasyon sa pamilya.
Nabanggit ito sa amin ni Erik na sa tuwing may show siya sa ibang bansa ay ibinabayad niya ng plane ticket ang kanyang parents lalo na ang ina para makapamasyal sila pagkatapos ng trabaho.
Kaya nga nasabi ni Erik na wala siyang pinagsisihan nang mawala ang ama’t ina dahil sa tingin niya ay nagawa niya ang tungkulin niya bilang anak at napasaya niya sila at higit sa lahat ay inalagaan hanggang sa huling sandali ng kanilang hininga.
Humihikbi na ang tinaguriang King of Teleserye Theme Songs bago pa nito simulan ang pagbabasa ng liham na sinulat niya para sa magulang.
“Dear Nanay and Tatay, una sa lahat gusto kong magpasalamat sa pagmamahal na ibinigay ninyo sa amin.
“It was so unconditional in every sense of the world. Napaka-bless ko dahil kayo ang mga naging magulang ko.
“Sa totoo lang hindi ko alam kung paano magpatuloy o magsimula muli na ngayong wala na kayong dalawa.
“In 4 days, magbi-birthday na ako ulit (October 10), ito na yata ang pinakamalungkot kong birthday, nasanay kasi akong tuwing magse-celebrate ako ng mahahalagang okasyon at milestones ng buhay ko nandiyan kayo.
“Twenty years ago kayong dalawa ang kasama kong nangarap. Alam mo ‘Nay ang naalala ko, 2 years ago sobra akong excited sa 20th anniversary ko tinatanong mo pa nga, ‘anak ano kaya ang susuotin ko sa concert mo?’
“Napakasakit, napakahirap pero ngayong gabi alam kong kapiling ko kayong dalawa. Sana nakikita ninyo kung gaano karami ang mga tao (inilibot ang tingin mula sa taas pababa), mga nagmamahal ‘yung nakiki-celebrate sa akin ngayon (napaiyak).
“Sa tuwing magko-concert ako kayong dalawa ang una kong hinahanap sa audience (tuluyan nang umiyak) para mawala ‘yung kaba at takot ko, pero ngayon wala nang nakaupo sa dalawang special seats nan aka-reserve para sa inyo.
“Napakahirap mag-celebrate ng alam mong hindi ko na kayo makakasama kailanman pero pinili kong ituloy ang concert na ito dahil alam kong ito ang gusto ninyo, to honor and share the gift that God has given me,” mensahe pa ng binata.
At sa huling parte ay ipinangako ni Erik na aalagaan niya ang kanyang sarili para maging lakas kasama ang mga kapatid.
“’Tay, ‘nay, I promise to take care of myself and continue to be strong for our family. I promise to continue our legacy of love, humility, and gratitude.
“Kung ano ako ngayon dahil po yon sa inyong dalawa. Wala man kayong dalawa sa harapan ko ngayon, I promise that you will have the best seats in my heart forever.
“Mahal na mahal ko kayong dalawa, sobra! (sabay talikod dahil tuluy-tuloy nang umiyak ang binata).”
Pagkatapos nito ay kinanta niya ang “Hanggang sa Huli” na alay sa magulang habang ipinakikita sila sa malaking screen.
Habang binabasa ni Erik ang sulat ay may mga sumisigaw sa likuran namin ng “Bigyan ng tisyu!”
Anyway, binabati namin si Erik sa sold-out “MilEStone” concert niya na isa rin siya sa producer kasama ang Cornerstone Entertainment, ABS-CBN Star Music.