Ang dalawang ‘epal’ na opisyal

ISANG front-page news item sa INQUIRER, sister publication ng Bandera, ang may headline na ganito: ‘Millions of dollars sent to US in suitcases.’

Sinabi sa report na si Janet Lim-Napoles ay nagkamal ng milyon-milyong dolyar na pinadadala niya sa US.

Ang mga milyon-milyong dolyar ay pinamili ni Napoles ng mga ari-arian sa US at pambaon ng mga mambabatas na pumupunta sa ibang bansa.

Siyempre, yung mga mambabatas na kasabwat niya sa pagnakaw ng pera sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Kung ang mga perang yun ay ginastos sa mga biktima ng natural disasters gaya ng bagyo at lindol na gaya ng nangyari sa Bohol at Cebu, baka lahat ng mga biktima ay napakain at naipagamot.

Hirap na hirap abutin ang maraming barangay sa Bohol dahil nagkabitak-bitak ang daan patungo sa mga barangay na yun.

Marami sa kanila ay nagugutom at nagkakasakit.

Ang mga balita na dumarating sa inyong lingkod ay nagsasabi na may outbreak ng diarrhea (pagtatae) sa maraming lugar sa Bohol dahil marumi ang mga iniinom nilang tubig.

Kailangan silang bigyan ng bigyan ng nakaboteng na iniinom na tubig.

Para mas marami ang makikinabang ng malinis na tubig, dapat ay may water-purifying machine o water-purifying tablets ang mga taong nasa liblib na pook.

Dahil sa panawagan ng inyong lingkod noong Sabado sa INQUIRER at dito sa Bandera, pumunta si Mayor Rody Duterte ng Davao City sa Bohol at Cebu.

Dala niya ang P18.5 million na donasyon ng mga taga Davao City at pinamahagi niya sa mga mayors ng affected towns ng Bohol at Cebu.

Lahat ng mayors ng mga nasalanta ng lindol ay inabutan niya ng tig-P500,000 para gastusin sa pangangailangan ng kani-kanilang constituents.

Maliban lang kay Mayor Leoncio Evasco ng Maribojoc, Bohol, na binigyan ni Duterte ng P1 million si Evasco kasi ay dating tauhan ni Duterte.

Itong si Evasco ay gustong gayahin ang estilong pagkabrusko ni Duterte, pero para siyang matsing na gumagaya sa kanyang dating amo.

Ang matsing o unggoy ay mahilig manggaya ng ginagawa ng kanyang amo.

Oo nga’t brusko si Duterte, pero ginagamit lang niya ang kanyang pagkabrusko sa mga pusakal na kriminal at hindi sa mga law-abiding citizens, lalo na sa mga taong tumutulong sa kanya sa pagpapaunlad ng Davao City.

Mali ang paggaya ni Evasco kay Duterte dahil ayaw niyang tulungan siya na maibsan ang sakit na dinaranas ng kanyang mga kababayan.

Tinaboy ni Evasco ang mga volunteers ng Philippine Red Cross sa Maribojoc dahil gusto niyang solohin ang mag-distribute ng mga relief goods.

Gusto siguro ni Evasco na palitan ang tatak ng Red Cross sa bags ng relief goods ng kanyang pangalan.

Baka gusto niyang markahan ang relief goods ng, “Ito’y galing sa inyong butihing mayor, Leoncio Evasco, dahil ibinoto ninyo ako. Iboto ninyo akong muli sa darating na eleksiyon at marami pang matatanggap kayong biyaya sa akin.”

Dahil simple lang ang pag-iisip ng mga taga Maribojoc, baka maniwala sila kay Evasco na sa kanyang bulsa galing ang pinamili ng relief goods.

Isa pang kapalmuks itong si Vice President Jojo Binay.

Ubod siya ng “epal” dahil nilagyan niya ng kanyang pangalan ang mga relief goods na pinadala niya sa Bohol at Cebu.

O, baka naman nilagyan pa ni Binay ng kanyang larawan ang relief bags?

Buti kung guwapo siya, eh hindi naman.

Read more...