Bandera Editorial: Sibakin na rin ang iba

Bandera Editorial

NOONG sinabon si Dr. Prisco Nilo, di niya alam na sisibakin din siya kapag malamig na ang salabat.  Ang natatandaan ng taumbayan ay ang mga matang mapanisi ni P-Noy at sa huli’y namutawi sa kanyang mga labi ang babalang: huwag nang uulitin yan.
Siyempre, tinakasan ng sigla ang opisyal na nasabon.  At nang malamig na nga ang sabaw ng salabat ay sinibak na rin si Dr. Nilo, na nagtrabaho sa gobyerno sa kakarampot na suweldo at sinaunang gamit sa pagtaya ng panahon.
Kung gayon, aba’y sibakin na rin ang maraming kakarampot ang suweldo at nagtatrabaho nang sinauna ang mga gamit at sira-sira pa.  Nariyan lang sila sa paligid: sa Air Force, sa Navy, sa mga tropang gobyerno (pulis, sundalo at Cafgu) sa Mindanao, na sa kakarampot na suweldo at lumang mga bersyon ng mga armas ay palaging nalalagasan kapag nakaharap ang mga kaaway.
Sibakin na rin ang mababagal na kuwentador ng Commission on Audit, na hanggang ngayon ay calculator pa rin at lapis at papel ang gamit sa sanlibo’t sanlaksang transaskyon sa gobyerno
Mas lalo, sibakin na rin ang malalabo ang mga mata sa LTO na di makakita ng colorum; Customs, na di makakita ng smuggler; at BIR, na di marunong magkuwenta nang tama.
* * *
Sisihan lang sa presyo
BAKIT kapag ang pagtaas ng singilin sa kuryente, pasahe sa MRT at LRT, presyo ng gasolina, krudo’t LPG, asukal at arina, bigas at mais ay sisihan na lang ang maipaliliwanag?  Wala bang sisibakin dito, lalo na ang mga politikong dakdak sa Kamara’t Senado?
Sa pag-amin ng Malacanang na wala na itong magagawa para mapigilan ang pagtaas ng singil sa kuryente, ibinunton na lang ang sisi sa mas mahal na pagpapatakbo ng mga planta.  At kailan pa nagmura ang pagpapatakbo ng planta?
Sa pasahe sa MRT at LRT, tinuldukan na ng Palasyo ang usapin: di na ito mapipigilan.  Kapag itinaas ang presyo ng anumang gatong, ang nalulumpo ay ang mahihirap na magsasaka na gumagamit ng maliliit na makinarya, tulad ng sprayer, shredder hanggang sa dambuhalang mga dryer.
Sa asukal, arina’t butil, kulang na raw ang produkto sa dami ng Pinoy.
Ganoon na lang.  Tila mas madaling manisi kesa mag-isip ng paraan para mapigilan ang pagtaas ng presyo.

Bandera, Philippine news at opinion, 081010

Read more...