MAGKAKAROON ng “World Cinema Festival” ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ngayong buwan!
‘Yan ay eksklusibong inilunsad ng Ayala Malls Cinemas na kung saan ay nakatakda nilang ipalabas ang ilang award-winning films mula sa iba’t-ibang prestihyosong film festivals – ang Cannes Film Festival, BAFTA Awards, Oscars at Asia Pacific Screen Awards.
Una na riyan ang drama film na “Aftersun” na pinagbibidahan ng Oscar nominee na si Paul Mescal at Scottish child actress na si Frankie Corio.
Iikot ang istorya niyan sa mga alaala ng mag-ama na sina Calum at Sophie na lingid sa kaalaman ng marami ay tila may pinagdadaanang hirap ang tatay.
Tampok din sa special screening ang isa pang drama film na “Close” na nagwagi ng Grand Jury Prize sa Cannes Film Festival noong nakaraang taon.
Baka Bet Mo: Dennis: Pinatunayan ni Rizal ang kagitingan niya sa pamamagitan ng paglaban kung ano ang tama at makatarungan
Tungkol naman ‘yan sa pagmahahalan at matibay na relasyon ng dalawang mag-bestfriends.
Mapapanood din ang historical drama film na may titulong “Corsage” na ikinukwento ang buhay ni Empress Elisabeth ng Austria na pinagbibidahan ng award-winning German actress na si Vicky Krieps.
Pwede niyo ring saksihan ang “Return To Seoul” na nag-uwi ng Best New Performance para sa pagbida ng Korean actor na si Park Ji-Min at Best Director award kay Davy Chou.
Ang mga parangal ng Korean film ay parehong nakuha sa 2022 Asia Pacific Screen Awards.
Ang apat na nabanggit na pelikula ay pwedeng mapanood sa mga paborito niyong Ayala Malls Cinemas katulad ng Manila Bay Cinema, Greenbelt 3, Trinoma, Solenad, Capitol Central, Central Bloc, Centrio Cinema, Abreeza and Harbor Point.
Ang presyo ng tickets ay nasa P250 para sa Metro Manila, habang P200 naman sa mga probinsya.
Ang special screenings ay magsisimula sa August 23 hanggang 29.
Related Chika: