Vice hindi suspendido sa ‘Showtime’, may ginagawang movie na ipalalabas bago ang MMFF 2023; madlang pipol abangers na sa desisyon ng MTRCB
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Ion Perez at Vice Ganda
KINLARO ng taga-ABS-CBN na hindi suspendido sina Vice Ganda at Ion Perez kaya ilang araw silang hindi sumipot sa “It’s Showtime” nu’ng nakaraang linggo.
Ayon sa kuwento ng isang source ay may shoot si Vice last week kaya apat na araw siyang wala sa nasabing programa ng Kapamilya network.
Naniniwala rin kami rito dahil kakilala namin ang production team na may hawak ng pelikulang gagawin ni Vice pero hindi ito intended for Metro Manila Film Festival 2023.
Totoong hindi na sasali si Vice sa MMFF 2023, pero hindi ibig sabihin na wala siyang pelikulang ipalalabas ngayong taon.
Bago ang taunang MMFF ay ipalalabas muna ang pelikula ni Vice sa Nobyembre tulad ng pelikula niyang “The Super Parental Guardians” noong 2016 na hindi nakapasa sa selection committee ng MMFF 2016.
At kaya wala rin nitong Lunes at Martes sina Vice at Ion ay dahil nasa Boracay sila na hindi binanggit kung anong ganap doon, baka kako bakasyon ulit after ng kanilamg Taiwan trip.
“Today (August 16) pumasok na,” say ng aming kausap sa Kapamilya network.
Samantala, may balitang magdedesisyon na ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ngayong araw kung anong parusa ang ipapataw sa mga programang “It’s Showtime” at “E.A.T” kaya nakaabang ang mga taga-produksyon ng parehong programa.
“Wala pa, waiting pa rin, mahabang proseso,” ang sagot ng nakausap namin sa MTRCB.
Halos lahat pala ay nakaabang sa ibababang desisyon ng nasabing ahensiya anumang oras ngayon.