MAGKAKAROON ng pagkakataon ang mga nangangarap na filmmakers na ipakita ang kanilang “kwentong panalo” sa kauna-unahang CinePanalo Film Festival.
Ang CinePanalo ay ang first ever film festival na adbokasiya ng Puregold kung saan mamimigay sila ng pagkakataon na magbigay ng mga production grants na umaabot sa milyon-milyon ang halaga para matulungan ang mga piling grupo ng mga filmmaker na maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.
Limang baguhan at propesyonal na mga direktor ang makatatanggap ng tig-P2,500,000 upang lumikha ng pelikula para sa festival. Dalawampu’t limang estudyanteng filmmakers naman ang makatatanggap ng tig-P100,000 para sa paglikha ng maiigsing pelikula o shorts.
“DAPAT mayroon kang always ‘Panalo Attitude’,” ito ang pahayag ng CinePanalo Film Festival Director na si Chris Cahilig sa media launch noong Agosto 8, Martes .
Para sa mga interesadong aplikante, mag-email lamang sa thesecretariat@cinepanalo.com upang makatanggap ng mga materyal na kinakailangan para mag-apply. Lahat ng aplikasyon at kahingian ay dapat maipadala bago Oktubre 27, 2023. Isasapubliko ang shortlist ng mga napiling direktor sa Nobyembre 6, 2023.
Ibinahagi ni Vincent Co, Presidente ng Puregold Price Club Inc., ang mga kapana-panabik na oportunidad na naghihintay sa mga lalahok.
Aniya, “Nais naming mabigyan ng pag-asa ng CinePanalo ang mga bata at talentadong filmmaker na naghihintay lamang ng kanilang break. Hangad namin na ang tulong-pinansyal at ang exposure na makukuha nila mula rito ay magbibigay sa kanila ng tulak upang abutin pa ang kanilang mga pangarap. Mga kuwentong panalo ng buhay.”
Sabi naman ni Chris, “gusto naming mag-iwan ng pakiramdam ng ligaya ang mga makapapasok na entry–pakiramdam na nabibigay lamang ng mahusay na mga pelikula. Nasasabik na kaming makita ang mga magagandang kuwentong ibabahagi ng mga lokal na direktor sa publiko.”
Ipapalabas ang mga nakompletong pelikula sa isang festival na itatanghal nang tatlong araw sa Gateway Cinemas mula Marso 8 hanggang 10, 2024. Ipo-post naman ang short films sa official social media pages ng Puregold at sa YouTube channel nito kung saan ipinalabas ang series tulad ng “GV Boys”, “Ang Babae sa Likod ng Face Mask”, at “Ang Lalaki sa Likod ng Profile”.
Baka Bet Mo: CinePanalo Film Festival babandera na sa 2024, bukas sa lahat ng direktor, talentadong estudyante
Samantala, inamin din ng festival director na hindi sila after sa returns o kita ng mga pelikulang ipalalabas nila.
“Because this is purely advocacy and malinaw kung ano ang gusto nilang gawin na bigyan ng oportunidad ang kabataan para magkuwento ng mga inspiring stories, so ang kita ay hindi pinag-uusapan,” paliwanag ni Chris.
Natanong naman ang tungkol sa presyo ng sine dahil hindi naman lahat ay afford manood na ngayon lalo’t ilang kilong bigas din ang presyong P350.00 kaya’t kahit na gaano kaganda ang mga pelikulang kasama sa isang festival ay hindi ito pinapasok.
“Actually, we discussed it with Gateway (Cinemas) and rest assured that very affordable ‘yung ticket for this festival isa ‘yan sa sinigurado namin dahil alam naming napakamahal na ng tickets sa sinehan ngayon. And we’re happy sa partnership namin sa Gateway kasi isa ‘yun sa pinag-usapan,” panigurado ni Chris.
Isa pang klinaro kung isasali sa international film festivals tulad sa Cannes ang mga finalist movies ng CinePanalo Film Festival na pawang positibo ang kuwento tulad ng inspiring, uplifting at iba pa. Usually kasi ang napapasama sa international film festivals ay ang mga social media issues o tunay na nangyayari sa mundong ginagalawan ng bawa’t isa.
“Sa mga series ay may mga social issues ding pinag-uusapan, siguro it’s a matter of perspective, so may mga social issues, may mga problema pero ano ‘yung mas malaking kuwento roon? The social issues provide contents and di ba mas masarap manalo kapag may struggle also?
“So, ‘yun ang sagot ko na hindi mawawala ang social issues sa narrative, we want realistic films, totoong kuwento, totoong buhay but ang mas malaking kuwento ay paano nagagawa ng mga Pilipino ang umangat sa mga sitwasyon na ito,”paliwanag ni Chris.
At pagdating daw sa MTRCB ay for sure na hindi masisita o dadaan sa gunting ang mga pelikulang kasama sa CinePanalo Film Festival.
“I think, hindi kami ever magkakaroon ng problema sa MTRCB, I actually feel that MTRCB will welcome us kasi kami ‘yung film festival na malinaw na gusto namin ng inspiring stories, family oriented films, so, siguradong wala kaming magiging problema sa MTRCB at align na align kami sa gusto nilang mangyari,” katwiran pa ni Chris.
Hoping din ang festival director na sana ang mga endorsers ng Puregold ay mapasama sa casts ng mga pelikulang mapipili at mag-swak sa schedules dahil halos lahat ay malalaki na ang mga pangalan at makayanan nila ang talent fees.
Pero may mga tumatawag na rin daw na gustong mapasama sa CinePanalo Film Festival.