PINATAWAN na rin ng “persona non grata” ng probinsya ng Bukidnon ang drag performer na si Amadeo Fernando Pagente o mas kilala bilang Pura Luka Vega.
Ito ay dahil pa rin sa pambabastos na ginawa ng drag artist sa sagradong awitin ng mga Katoliko na “Ama Namin.”
Sey sa inilabas na resolusyon ng Bukidnon Provincial Board, “Not only is the viral video deemed blasphemous, it is also offensive, disrespectful, insulting, unacceptable and outrageous to the Christian religion and belief.”
“The performance demeans the sensibilities of our Christian brothers and sisters,” dagdag pa.
Hindi ito ang unang beses na ma-ban si Pura Luka.
Sa katunayan nga ay ito na ang pang-apat na probinsya na pinatawan siya ng nasabing parusa.
Nauna na riyan ang mga bayan ng Toboso sa Negros Occidental at Floridablanca sa Pampanga, pati na rin ang General Santos City.
Sa kasalukuyan ay nahaharap si Pura Luka sa mga kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kung maaalala, mainit na pinag-usapan sa online world ang video ng drag artist na makikita siyang nakabihis bilang si Hesus habang kumakanta at sumasayaw siya sa remix version ng “Ama Namin.”
Ibinandera niya ‘yan mismo sa kanyang Twitter account at may caption pa na, “Thank you for coming to church!”
Agad naman itong nag-viral at umabot na nga rin mula sa ibang mga pulitiko at miyembro ng religious groups.
Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), maituturing itong “mockery” at “blasphemous.”
Hindi rin ito nagustuhan ng 1st District of Bataan representative at advocate ng LGBTQIA+ community na si Geraldine Roman.
Ngunit nanindigan naman ang drag queen sa kanyang naging kontrobersyal na drag performance at sinabi pa niya na isa itong “form of art and expression.”
Iginiit din niya na ito ang kanyang paraan upang purihin ang Diyos.