MAKARAANG lumiban sa tatlong edisyon ng Miss Universe pageant, magbabalik ang Egypt sa pandaigdigang patimpalak, salamat sa isang Filipinong publicist at magazine publisher na nakakuha sa prangkisa para sa bansa sa hilagang Africa.
Ibinahagi ni Josh Yugen na nakuha na niya ang karapatang piliin ang magiging kinatawan ng Egypt sa ika-72 Miss Universe pageant na itatanghal sa El Salvador ngayong taon.
Siya ang national director ng Miss Universe Bahrain organization nang tatlong taon na, at nakuha na rin ang lisensyang magsagawa ng kumpetisyon sa Pakistan.
“There was Miss Universe Egypt before, and they actually stopped it for three years, I guess. But they’re very, very excited to come back,” sinabi ni Yugen sa ilang kawani ng midya sa isang panayam sa Sigma Asia 2023 summit sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Hulyo 21.
Huling nakatuntong ang isang babaeng Egyptian sa Miss Universe pageant noong 2019, nang ibandera ng modelong si Diana Hamed ang “Jewel of the Nile” sa ika-68 edisyon ng pandaigdigang kumpetisyon na itinanghal sa Estados Unidos.
Kinoronahan ng Pilipinang si Catriona Gray ang tagapagmana niyang si Zozibini Tunzi ng South Africa sa pagtatapos ng kumpetisyong iyon.
Wala pang naitatalang panalo ang Egypt sa Miss Universe pageant, at nakatitiyak si Yugen na magiging pasabog ang pagbabalik nito sa kumpetisyon ngayong taon. “I cannot say anything more about it because we are still in the process. But we already received hundreds of beautiful women who auditioned,” ibinahagi niya.
Hindi niya sinabi kung kailan kokoronahan ang bagong reyna ng Egypt, ngunit nagbahagi siya ng mga balita tungkol sa dalawa pa niyang kumpetisyon. “Sept. 2 will be the finals for Miss Universe Bahrain, it will be shown on the Miss Universe YouTube channel. Pakistan is in the second week of September,” aniya.
Katulad ng nabanggit niya sa isang naunang panayam, magiging isang reality show ang contest sa Bahrain, ngunit hindi na ito gagawin sa Pilipinas.
“It will be shot in Bahrain, and a few scenes will be shot in an exclusive island. Unfortunately, we cannot shoot in the Philippines because of the logistics, it’s a bit far,” ipinaliwanag niya. Ganito na rin ang format ng contest sa Pakistan.
Kumuha rin si Yugen ng mga kapwa Pilipino upang samahan siya sa Miss Universe Bahrain organization. Head of empowerment si 2016 Miss International Kylie Verzosa, artistic director ang international award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza, head of innovation si Lorenzo Vega, habang fashion director si Raymond Gutierrez.
“I’m thinking that, if ever there’s someone that I can trust, probably I can actually give the national director position to them, especially someone from Bahrain, someone from Pakistan, someone from Egypt, and I can just help supervise or oversee it. But right now, only a few are interested, and I cannot entrust my girls to just anyone,” ibinahagi ni Yugen.
Related Chika:
Kapuso star Michelle Dee waging Miss Universe Philippines 2023
Miss Universe PH 2022 Celeste Cortesi nahihiyang umamin noon na nagtrabaho bilang cashier, pero…