MARIAN pabor sa LIVE-IN bago KASAL: Magpa-paalam muna kay MAMA, pag-pumayag go!

PABOR sa live-in before marriage ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Naniniwala  kasi siya na may kanya-kanyang paniniwala ang mga tao na dapat nirerespeto.

Sa pagbisita ni Marian noong weekend sa Bacolod City para sa selebrasyon ng Masskara Festival, nakachika namin ang aktres at dito nga namin siya natanong tungkol sa issue ng live-in, aniya, marami nang gumagawa nito among Filipinos at hindi naman tama na kuwestyunin ang ginagawa nila.

“Alam naman natin sa mata ng tao hindi maganda ang live-in, pero depende sa sitwasyon at sa pagkatao, e. Kung gusto mo talaga, kung tiwala ka sa partner mo na hindi mo pa siya nakikilala ng lubos at nagpakasal kayo risk yun pero irerespeto kita, or mas makilala mo muna through live in ay hindi ako magkukuwestiyon diyan, alinman sa dalawa ay pabor ako diyan,” paliwanag ni Marian.

E, kapag niyaya ka ni Dingdong na mag-live in na? “Naku, teka, tawagan ko muna mama ko ha, ‘Hello Ma, okay lang bang makipag-live in.’ Ha-hahaha! Kailangan may blessing niya, kapag pinayagan ako ni mama at ng lola ko, yun na!”

Kumusta naman ang relasyon n’yo ni Dingdong? “Ay habang tumatagal lalong tumitindi ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Alam n’yo kasi suportahan lang kami ni Dong, sabi ko nga, hindi ko magagawa ng matagumpay ang mga bagay-bagay kung wala ang suporta at gabay niya.

“Pareho kami na hindi nakakalimot magpasalamat sa mga nagagawa namin para sa isa’t isa. Hindi kasi kami naghihilahan pababa, push lang kami nang push pataas, kung saan magiging masaya ang isa’t isa,” chika pa ng Kapuso Queen.

Okay lang ba talaga sa kanya na makipaghalikan at makipag-love scene si Dong sa ibang aktres? “Siyempre, ang ipokrita ko naman kung sasabihin kong, ‘Ay sige, maglaplapan pa kayo!’

Pero part of the job, e. Kasi ako nakikipag-kissing scene din ako, siya ganu’n din. Wala, e, sa ayaw at sa gusto namin, we have to accept it.

Ang maganda niyan, after sumigaw ng direktor ng ‘Cut!’ sino ba ang totoo niyang hinahalikan ng walang kamera. Yun ang mahalaga. Kasi kami wala talagang selosan, e.”

Wedding bells soon? “Alam n’yo hindi ko na talaga alam kung paano sasagutin iyan kasi lagi ngang tinatanong sa akin, kaya naisip ko, baka kaya nauudlot kasi laging tinatanong sa amin.

Siguro in time, pero ngayon huwag muna, kasi ang dami-daming nangyayari sa career namin pareho.  “Ito kasi talaga yung work namin, at dito dumadaloy talaga yung dugo namin, feeling ko right timing lang, parang sa comedy, dapat may timing.

Mahirap kasing sumagot ng oo kapag hindi ka pa talaga ready. Hindi ko alam kung ilang years pa, pero sana naman huwag ganu’n katagal. Ha-hahaha! Baka matandang-matanda na ako nu’n,” humahalakhak pang sey ni Marian.

Naichika rin ni Marian na bago matapos ang taon ay mapapanood na ang bagong sitcom niya sa GMA 7, “Tapos next year ipapalabas na yung next soap ko, magte-taping na kami, pero mag-start siya first week of January.

Unang bukas ng taon, teleserye agad. Yung leading man, wala pa, pinag-uusapan pa, yung tema niya may pagka-epic heavy drama.

“Ibang-iba siya sa Amaya, kasi yung Amaya may konsepto ng sinaunang panahon, ito, more on sa istorya ng isang babae na tatahakin ang sobrang masalimuot na buhay, sa pag-ibig, sa pamilya, so ang daming pagdaraanan ng karakter.

Sobrang kakaiba ito at sobrang nakakaiyak. Masasabi ko na ito na ang isa sa pinakadrama talaga, yung Temptation Of Wife, di ba madrama na, ito mas pa. Iyakan talaga!”

Pang-best actress ba talaga? “Well yun ang gusto ni Suzette (Doctolero, scriptwriter), yun ang peg talaga, gusto niyang makita ng mga tao yung sobrang lalim at may social relevance na drama na gagawin ni Marian Rivera.”

Tungkol naman sa friendship nila ni Angel ngayon, nagpapasalamat daw siya talaga na natapos na rin ang kung anumang issue sa kanila na wala naman daw talagang pinanggagalingan, “Very happy ako na dahil sa magazine pictorial na yun…and with Angel, alam naman nating lahat yung mga fans talaga ay may something sa amin, naliwanagan sila na wala kaming problema, na okay naman kami, ang saya lang na wala siyang bashers, wala akong bashers.”

Payag ka bang magkatrabaho kayo sa isang project? “Ay, oo naman. Lahat naman posible, depende na lang siguro sa konsepto ng project, and siyempre bilang respeto sa kung saan ka nakakontrata, kumbaga, kapag nagkasundu-sundo ang lahat, bakit hindi?”

Marami ang nagsasabi na kapag nagsama ang dalawa sa isang pelikula ay tiyak daw na magiging blockbuster ito, kumbaga para kasi silang sina Nora Aunor a Vilma Santos na pilit pinag-aaway ng mga fans.

Feeling namin, bagay na bagay sa kanila ang remake ng pelikulang “T-Bird At Ako”. Sa muling paglipad naman ni Angel bilang Darna sa pelikula, ano ang masasabi niya? “Aba, maganda ‘yun, lalo na gagawin na siyang movie, kasi siyempre alam naman nating lahat na si Darna superhero ng Pilipinas, kung may Wonder Woman sa Amerika, ang sa atin Darna.

Siyempre, happy ako para sa kanya. Sure ako na magandang lalabas ‘yun.” Samantala, naging matagumpay muli ang mall show ni Marian sa Bacolod City nu’ng Biyernes ng hapon, ito’y para pa rin sa bonggang selebrasyon ng Masskara Festival, “Second time ko na rito sa Bacolod, pero first time sa Masskara.

Seven years ago yung una, Marimar pa yun, tsaka nag-guest lang ako sa mga radio show noon, hindi ako nakaikot talaga. So this time, sinulit ko na ang pagpapasaya sa kanila.”

( Photo credit to Google )

Read more...