Gladys balik-kontrabida sa ‘Black Rider’ nina Ruru at Matteo; hinding-hindi makakalimutan ang ‘Eat Bulaga’ ng TVJ
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Gladys Reyes, Christopher Roxas, Ruru Madrid at Jon Lucas
EXCITED na ang isa pang ultimate at tunay na La Primera Contravida na si Gladys Reyes sa pagbabalik niya sa teleserye.
Kasama sa cast members ng upcoming Kapuso primetime series na “Black Rider” ang award-winning actress na pagbibidahan nina Ruru Madrid at Matteo Guidicelli.
Ito ang pagbabalik ng aktres sa pagkokontrabida sa isang drama series kung saan gaganap silang mag-asawa ni Zoren Legaspi.
Kung hindi kami nagkakamali, nagsimula na last Friday, July 7, ang shooting ng “Black Rider” kaya naman siguradong magiging super busy na naman ang wifey ng actor-entrepreneur na si Christopher Roxas.
Huling nagkontrabida si Gladys sa Kapuso series na “TODA One I Love” na umere noong February, 2019 na pinagbidahan nina Ruru Madrid at Kylie Padilla.
Nakachikahan namin si Gladys at ng ilan pang kaibigan niya sa entertainment media para sa kanyang post birthday celebration at thanksgiving na rin para sa lahat ng blessing at achievements niya ngayong 2023.
Kabilang na nga riyan ang first ever best actress award na natanggap niya sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival last April para sa pelikulang “Apag.”
Samantala, bukod sa bagong serye sa GMA, napapanood din araw-araw si Gladys bilang hurado sa “Mini Miss U” segment ng “It’s Showtime.”
Aniya, enjoy na enjoy siya sa kanyang partisipasyon sa “Showtime” at talagang super nakaka-relate siya sa nasabing segment dahil nagsimula rin siya sa showbiz bilang child star.
Kaya naman natanong ang aktres kung affected ba siya sa desisyon ng ABS-CBN na ipalabas din ang “It’s Showtime” sa GTV na pag-aari ng GMA 7.
“Wala akong naramdaman. Kasi, same naman siya na nasa ABS-CBN studio kami. Di ba, actually nagkakamali sila, akala porke GTV, lumipat na ng studio? Hindi!
“Umeere lang siya sa GTV, pero as is, masaya pa rin. Alam mo naman si Vice, napakatalino, di ba? Napaka-witty, ambilis ng isip.
“So kanina, alam mo yun, bigla na lang niya naisip na pasayawin kami ni Ate Janice (de Belen) just like ginagawa nung contestant, pero nagtataray na sumasayaw. Yung mga ganu’n.
“May mga impromptu kami, talagang batuhan, na only Vice can do that. Alam mo yung ganun na bibiglain ka pero pasok pa rin,” sey ng celebrity mommy.
Sa mga hindi pa aware, nanggaling din si Gladys sa “Eat Bulaga” dahil produkto siya ng “Little Miss Philippines” segment ng “Eat Bulaga” na kontrobersyal ngayon dahil sa paglayas ng original hosts nitong sina Tito, Vic & Joey.
Reaksyon ng aktres sa isyu ng TVJ at TAPE Incorporated, “Siyempre, hindi ko naman nakakalimutan ang Eat Bulaga, saka bago yung huling episode nila, kami ni Ara (Mina) yung guest nila.
“Yung mga may kapatid na may special condition. So nag-usap kami ni Ara lately. Nagkita kami sa isang guesting, sa Magandang Buhay.
“‘Naku, nag-guest pa tayo?!’ Yun pala, parang second to the last episode na yun. So, always ano rin naman yung E.A.T., ano? Ganu’n ba yun, E.A.T. ng TVJ. Hindi na yun mabubura siyempre,” ani Gladys.
Napi-feel ba niya ang init ng kumpetisyon ngayon ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN, “E.A.T.” sa TV5 at ng “Eat Bulaga” sa GMA 7? “Hindi po, hindi ko yun nararamdaman. Kasi, siyempre sila naman yung mga main host, e, di ba?
“Yung sa amin, basta ako, happy ako na okay ang ratings ng segment namin na ‘Mini Miss U,’ as well as ‘Tawag ng Tanghalan,’ di ba, antaas-taas din ng rating?
“So ako naman, sabi ko nga natutuwa lang ako na wine-welcome ako kahit saan. Ke Kapatid, Kapuso, Kapamilya at even NET25. E, nakakatrabaho nila ako. Katrabaho ko sila, at malaking bagay sa akin yun. Grateful ako du’n,” ang punto ng aktres.
Napapanood din si Gladys bilang host ng talkshow na “Moments” sa NET25.
Samantala, mukhang naka-focus din ngayon ang husband niyang si Christopher sa kanilang mga negosyo. Wala kasi ang aktor sa pa-thanksgiving ni Gladys para sa mga friends niya from the press.
“Sa mga nagtatanong po, nasaan si Christopher? Nag-aayos po ng kabuhayan namin, nasa Lobo, Batangas. At meron din pong training ang mga tao niya sa Laguna.
“May bubuksan po kaming bagong diner sa Laguna. So, hayaan ko na muna siya du’n habang nagkakasiyahan tayo dito,” chika ni Gladys.
Bukod dito, bonggang-bongga na rin ang kanilang catering business at excited na itsinila ni Gladys na client na rin nila ang congress.
Bukod pa riyan ang kanilang sosyo-negosyo para sa mga gustong mag-franchise ng That’s Entertain-Meat all Breakfast, at sa mga gustong magtayo ng restaurant, food cart, at iba pa.
Kasama na rin sila sa Wedding and Debut Expo 2023 sa July 15 at 16, Sabado at Linggo simula 10 a.m. sa SMX Convention Center Manila, Mall of Asia, Pasay City, “May booth ang Sommereux Catering, may booth din ang Plaza Ibarra. So, lahat ng suppliers na hinahanap nila, one-stop shop na yun.”