Tumawag kay Birheng Maria

HAYAN na naman. Maniniwala na naman kayo kay Franklin Drilon. Di ba kayo sumusubaybay sa talumpati ng mga dalubhasa sa ekonomiya (hindi sila basahang mga politiko) sa Luneta, EDSA Shrine at sa Makati? Nilagdaan lang ni Drilon ang subpoena para kay Jenny Napoles, nagbunyi na kayo? Huwag kayong umasa na ililigtas ng magnanakaw na mga senador at kongresista ang arawang obrero. Pagnanakawan pa nila ang taumbayan at hindi sila titigil hangga’t di sila namamatay. Humanda na kayo at isasakay na naman tayo sa tsubibo sa gaganaping pagdinig ng yellow ribbon committee.

Ano ang susunod na kalamidad? Saan at kailan darating ito? Sa Zamboanga City, mahigit 200 ang namatay. Huminto man ang putukan ay binaha naman ang evacuation centers. Binaha rin ang ilang lalawigan sa Mindanao, pati ang Negros Oriental, na ikinamatay ng 23 katao. Nilumpo ni Santi ang Nueva Ecija, Aurora, Tarlac at Bulacan. Kung 13 ang namatay dito, P3 bil-yon naman ang sinira ng bagyo. Sa Cabanatuan City, 14,000 ektarya ng palay ang di na mapakiki-nabangan. Halos lahat ng poste sa Nueva Ecija ay bumagsak. Pinangangambahang lumagpas sa 200 ang namatay sa lindol sa Bohol at Cebu. Kramilong bato ang mga simbahan, gusali’t bahay sa Bohol. May nakita ka na bang tumawag sa Panginoon sa Malacanang? Teka, wala namang nagsisimba sa Malacanang. Kung walang nagsisimba sa Malacanang, mas lalong walang nagrorosaryo gabi-gabi. Tampok ang Mahal na Birheng Maria sa rosaryo at ang litanya para sa kanya. Ang Panginoon at Birheng Maria lamang ang magliligtas sa atin, at hindi ang Ikalawang Aquino o mga magnanakaw na mga senador at kongresista.

Bakit ayaw idetalye ng Malacanang ang inilabas na mga pondo ng Malampaya, Presidential Social Fund, Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Road User’s Tax, atbp. Mahirap tanggapin ang pa-utal-utal na paliwanag at hindi ito ang detalye na kailangan ng taumbayan.

Umuugong sa umpukan ng mga kolumnista sa Ermita, Maynila na panakip-butas lang si Mam Arlene, na pinalalaki ng Malacanang, dahil gabundok na ang ebidensiya na nabili ang impeachment ni Renato Corona at sinuhulan ang tuluyang pagpapatalsik sa kanya, gamit ang pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Si Marcos nga naman ay hindi giniba ang hudikatura sa kabila ng napakaraming kapangyarihan sa ilalim ng martial law. At ang hindi na dapat igalang na mga kongresista, pumirma sa dokumentong hindi nila binasa.

Tama si Erap. Hulog ng langit ang Iglesia Ni Cristo. O, walang kokontra. Napakaraming dahilan kung bakit hulog ng langit ang INC, para kay Erap at maliit ang espasyong ito para isa-isahin natin at ipaliwanag sa mga ayaw maniwala. Pakinggan na lang si Sen. Miriam Santiago: na ang naganap na malaking pagtitipon noong Okt. 14 sa Maynila ay may seryosong pahiwatig-politikal.

Hindi na pinaiiral ng barangay at pulisya ang curfew sa menor de edad sa Caloocan, lalo na sa Tala, Bagong Silang at Camarin. Kung ang sasabihin ni Mayor Oscar Malapitan ay hindi niya alam ito, nasa malaking peligro ang mga residente. Dahil sa napabayaang taumbayan, madalas ang holdapan sa umuuwing obrero sa gabi. Hindi na rin nagsusumbong sa pulisya ang mga biktima dahil wala namang nangyayari.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, sana’y huwag kaming kalimutan ng gobyerno dito sa Santa Barbara, Santa Catalina at Rio Hondo. Nangangamba kami na baka hindi na kami tulungan dahil sa nilindol muna nila dadalhin ang tulong. Ang higit na kailangan namin ay trabaho at katahimikan. …2134

Ako po’y 61-anyos na at ito na ang pinakamalakas na lindol na nadama ko sa Cebu City. Matagal ang lindol at parang isa’t kalahating minuto. Sumama ako sa mga Cebuano na nagtakbuhan paakyat sa Lahug at nagpondo kami sa may Marco Polo habang sumisigaw ang ilan ng tsunami!. …4490.

Read more...