NANATILING buhay pa ang laban ng Arellano University para sa semifinals nang malusutan ang host College of St. Benilde, 76-70, sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng tatlong free throw si Prince Caperal habang isang tres ang iniambag ni James Forrester matapos ang huling pagdikit ng Blazers sa 68-66 para kunin ang ikapitong panalo matapos ang 16 laro.
May 25 puntos at 8 rebounds ang sentro na si Caperal habang may anim si Forrester. Nakatulong din sa panalo sina John Pinto, Levi Hernandez at Keith Agovida na tumapos taglay ang doble-pigura tungo sa pinagsamang 37 marka.
Kailangan pa ng Arellano na maipanalo ang huling dalawang laro kontra sa Jose Rizal University at San Beda College at umasang hindi lalampas sa siyam na panalo ang Emilio Aguinaldo College at San Sebastian College para magkaroon ng playoff para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four.
Hindi naman naisakatuparan ng Blazers ang walisin ang head-to-head nila ng Chiefs nang nalaglag ang koponan sa 5-11 karta.
( Photo credit to INS )