Mga naluging OFW

NAGTUNGO sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia ang ating kabayang si Edgardo Donato noong Pebrero 2013.

Dalawang taon ang inaasahang itatagal ng kanyang kontrata roon bilang chef sa Koala International Company.

Subalit anim na buwan lamang siyang nagtrabaho roon at kaagad na pinauwi ng kaniyang employer nang walang ibinibigay na paliwanag o dahilan sa OFW. Hindi rin naibigay ang isang buwan at kalahating suweldo sa kanya.

Nang bumalik sa bansa si Edgardo, kaagad siyang nagtungo sa kaniyang lokal na ahensyang Armstrong Resources Corporation upang ipaalam ang nangyari sa kaniya.

Sagot naman ng Armstrong, ‘wala na silang magagawa dahil nalugi na ang employer (Koala International)’.

Wala na nga bang solusyon sa kasong ito yamang hindi naman inaasahan ang pagkalugi diumano ng employer ng OFW?

Sa bahagi naman ng ating kabayan, mas nalugi si Edgardo dahil hindi natapos ang kontrata at hindi pa rin naibigay ang kabuuang pasahod nito.

Ipinagbigay-alam ni Edgardo ang kaniyang reklamo laban sa employer nito sa Riyadh nang dumulog ito sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA) bago pa man siya humingi ng tulong sa Bantay OCW.

Nang lumapit naman sa Bantay OCW program ang ating kabayan upang mapabilis ang pag-usad ng kaniyang reklamo, ipinagkipag-uganayan naman ng Bantay OCW ang kasong ito sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) yamang mas madaling mahahabol ang dapat managot sa nangyari sa OFW sa pamamagitan ng kaniyang lokal na ahensya.

Kasalukuyang nasa proseso ngayon ng POEA ang kaso ni Edgardo na tututukan naman ng inyong Bantay OCW.
Aabangan natin ang kasong ito ni Edgardo.

Biktima ng Illegal Termination si Apolinario Tuiza, nagtrabaho bilang mechanical foreman sa Riyadh, KSA, nang pauwiin ng kaniyang employer matapos lamang ang a-nim na buwang pagtatrabaho. Isang taon ang kanyang pinirmahang kontrata.

Maraming gustong mabawi ang ating kabayan tulad ng hindi naibigay na 15-araw na pasahod, ang sarili nitong perang ginamit pambili ng tiket pauwi sa bansa at maging ang placement fee nito para makaalis ng bansa noong Pebrero 9, 2013.

Yamang hindi natapos ang kaniyang kontrata, giit ni Apolinario na nararapat lamang na mabawi niya ang mga ito.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa tanggapan ni Commissioner Teresita Castillon-Lora ng National Labor Relations Commission (NLRC) upang maibigay ang hustisyang hinahangad ng ating kabayan. Nakahanda namang ipaglaban ni Apolinario ang kaniyang mga karapatan sa darating na pagdinig sa Nobyembre 6, 2013 hinggil sa isinampang reklamong ito laban sa lokal na ahensyang September Star sa NLRC.

Isa ka bang OFW o may kaanak na OFW? Meron ka bang nais na idulog sa Bantay OCW? I-text ang OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.

Read more...