Joross parehong kinumusta ang mga kaibigang sina Paolo at Ryan sa kasagsagan ng isyu ng ‘Eat Bulaga’: ‘Hindi ka basta-basta kakampi’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Joross Gamboa at Paolo Contis
PURING-PURI ni Joross Gamboa si Paolo Contis bilang aktor dahil napatunayan daw niya kung gaano ito kagaling na artista nang gawin nila ang pelikulang “Ang Pangarap Kong Oskars.”
Ito ang unang pagkakataon na nagkatrabaho ang dalawang aktor sa isang pelikula at sana raw ay muli silang magkasama uli sa kanilang future projects.
“Masaya! Magaling si Pao! Kumbaga kaya niya kasi. Bihira lang yung mga ganun, yung kayang mag-comedy saka kayang magseryoso.
“So, sa comedy namin, kahit naman ako, kapag nagko-comedy, yung seryoso, yung hindi ka nagpapatawa. Sitwasyon ang nakakatawa talaga,” ang pahayag ni Joross sa mediacon ng “Ang Pangarap Kong Oskars” nitong nagdaang Biyernes, June 23.
Sa isang bahagi ng press ay naitanong kay Joross kung magpo-promote siya sa bagong “Eat Bulaga” kung saan isa sa main host si Paolo.
“Sa akin, kung saan kailangang mag-promote, magpo-promote naman tayo,” aniya.
Keribels din daw kung papayagan silang mag-promote sa “It’s Showtime” ng ABS-CBN na mapapanood na rin sa GTV ng GMA Network simula sa July 1 habang sa nasabi ring petsa mapapanood ang programa nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at iba pang original Dabarkads sa TV5.
Pagpapatuloy na chika ni Joross, “At least, bilang kaibigan lang ako sa lahat, ‘Uy, kumusta ka? Okay ka lang ba?’ ganyan-ganyan. Mine-message ko rin halimbawa, kaibigan ko sina Ryan Agoncillo (isa sa mga Dabarkads). Kaibigan ko lahat.
“So, sa akin naman, ano kumbaga, in good faith naman lahat, e. Kumbaga, yung situation lang, aminin natin, meron talagang ano, mainit na topic. Oo, na kanya-kanya,” sey pa ni Joross kasabay ng pagsasabing wala siyang “kinakampihan” sa paglalaban-laban ng tatlong noontime shows.
“Actually hindi, e. Hindi ako, kumbaga, ako, as tao na yung character ko, kahit yung meron kang mga… kunwari lang, ibang mga kaibigan or mga kamag-anak.
“Halimbawa hindi okay or ano. Kumbaga, hindi ka basta-basta kakampi. Basta nandiyan ka lang for ano. Ang gusto lang natin, maging okay lahat. Kumbaga, kung merong isyu, sana ma-resolve na kaagad,” sey pa ng aktor.
Nag-text pa nga raw siya kay Paolo noong first day ng bagong “Eat Bulaga” sa GMA, “Nag-message ako sa kanya. ‘Kumusta, bro, sana okay lang lahat. Sige, basta pag may kailangan ka, dito lang ako.’
“Hindi naman siya nag-reply. Tapos the next day kami nag-usap. Hindi pala siya tumitingin nun sa phone niya. The next day lang, ‘Uy! Nag-message ka pala. Okay naman ako.’
“Ayun na, nagkausap kami. Kinumusta ko lang naman. Dahil siyempre nag-ano, yung mga sitwasyon,” aniya pa.
Samantala, showing na bukas, June 28, sa mga sinehan ang horror-suspense-comedy na “Ang Pangarap Kong Oskars” kung saan kasama rin sina Kate Alejandrino, Faye Lorenzo, Yukii Takahashi, Long Mejia, Jon Santos, Gian Magdangal, Erlinda Villalobos at Junjun Quintana.
Ito’y mula sa panulat at direksyon ni Jules Katanyag, produced by MAVX Productions.