Pauline Amelinckx pasok na naman sa isa pang online contest ng 2023 Miss Supranational pageant
By: Armin Adina
- 2 years ago
Pauline Amelinckx
PATULOY ang pag-arangkada ni Pauline Amelinckx sa 2023 Miss Supranational pageant bago pa man magsidatingan ang mga kandidata sa Poland kung saan gagawin ang actual pageant.
Sinabi ng organizers sa social media na nagwagi ang pambato ng Pilipinas sa “YouTube Influencer Challenge” at napalapit na sa titulong “Miss Influencer.”
“Miss Supranational-Philippines, you are the winner of the YouTube Influencer challenge. You have now automatically secured your spot in the Top 5 of Miss Influencer,” sinabi ni Miss Supranational pageant. Nauna nang nakausad si Amelinckx sa Top 10 ng “Suprachat” challenge nang magwagi siya sa Group 10.
Ngunit iniulat ng Miss Supranational pageant kalaunan na magkakaroon na ng Top 6 ang Miss Influencer contest sa halip na Top 5 tulad ng naunang binanggit.
“There are two clear winners for the Influencer Instagram Challenge,” sinabi ng organisasyon sa social media nang sabihing nagtabla sina Fabiola Martinez mula Paraguay at Vanessa Lopez mula Mexico sa “Instagram Influencer Challenge.”
Samantala, nagwagi naman sa “Facebook Influencer Challenge” si Dang Thanh Ngan mula Vietnam at uusad na rin sa Top 6 ng Miss Influencer contest. Hindi pa tinutukoy ang dalawang ibang kandidatang makakasali rin sa pagpipilian para sa titulo sa panahong isinusulat ang ulat na ito.
Sa ngayon, si Amelinckx ang natatanging kandidatang nakausad sa dalawang online contests na isinagawa bago ang pisikal na yugto ng 2023 Miss Supranational pageant. Tatangkain ng Belgian-Filipino host at model mula Bohol na maibigay sa Pilipinas ang ikalawa nitong panalo sa pandaigdigang patimpalak.
Si Mutya Johanna Datul ang unang Pilipinang nakasungkit sa korona bilang Miss Supranational nang magwagi siya 10 taon na ang nakararaan, noong 2013 pa.
Mula noon, lagi nang nagkakapuwesto ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Top 25 man, Top 20, o Top 10. Nauna nang naging third runner-up noong 2012 si Binibining Pilipinas first runner-up Elaine Kay Moll.
Nakatakdang lumipad si Amelinckx ngayong araw papunta sa Poland mula sa Clark International Airport sa Pampanga. Nagkaroon siya ng opisyal na send off sa isang press conference noong Hunyo 22 sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Quezon City, kung saan niya kasama si Mister Pilipinas Supranational Johannes Rissler.
Itatanghal ang coronation show ng 2023 Miss Supranational pageant sa Strzelecki Park Amphitheater sa Nowy Sacz, Poland, sa Hulyo 14 (Hulyo 15 sa Maynila), habang isasagawa naman ang 2023 Mister Supranational contest sa naturang lugar din sa Hulyo 15 (Hulyo 16 sa Maynila).