MATAGUMPAY ang pagbubukas ng idinaos na The Manila Film Festival (TMFF) nitong nagdaang Biyernes, June 15, sa SM City Manila.
Yes, nagbabalik nga ang nasabing film festival ba unang inilunsad ni dating Manila Mayor Antonio Villegas noong dekada 60 na nakilala noon bilang Metropolitan Film Festival.
Ang opening at premiere night ng mga kalahok sa TMFF 2023 ay dinaluhan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice-Mayor Yul Servo at bahagi rin ng selebrasyon ng Araw ng Maynila.
Sa nilagdaang Memorandum of Agreement noong Pebrero, ipinahayag ni Mayor Lacuna kung gaano siya kasaya na maibalik ang magic ng film industry sa tulong ni Vice Mayor Yul Servo.
Ang TMFF ay naglalayong i-promote ang mga lokal na pelikula, na kung saan uusbong ang bagong henerasyon ng mga mahuhusay at kabataang filmmakers, na dapat nating suportahan.
Ang film producer na si Edith Fider ang isa sa mga personalidad na nasa likod ng pagbabalik ng The Manila Film Festival na talagang aktibong tumutulong na muling mapasigla ang movie industry.
Limang pelikula na binuo at pinaghirapan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang university ang ipinalalabas ngayon sa SM City Manila na mapapanood hanggang sa June 24.
Kabilang sa limang kalahok ay ang psychological horror na “The Uncanny”, directed by Kyle Abay-Abay, mula sa Colegio de San Juan de Letran starring Zyrish Quierrez, Ice Lee Genre; ang crime-thriller “Unspoken” na isinulat at idinirek ni Daniella Javierto mula sa Arellano University, Pasig at pinagbibidahan nina Lara Lagdaan, David King Escio, Stephen Legaspi at Irish Vistan.
Kasali rin ang comedy na “The Adventures of Kween Jhonabelle,” written and directed by Carlo James Buan mula Colegio de San Juan de Letran starring Larizze Ann J. Eco, Kian Co, Samantha Faith Valdez Batula at Stephanie Kayla L. Quitlong; ang love story with advocacy na “Thanks for the Broken Heart,” directed by Cess Cruz mula sa University of The Philippines at University of Makati, starring Lance Raymundo, Gerlaine Silva, Mary Sharapova at Oliver Lacson; at ang psychological thriller na “CTRL-F-ESC” directed by Justin Bobier mula sa Adamson University, starring Kych Minemoto, Sue Prado, Leilani Kate Yalung, Yul Servo, Francheska Manalastas, Rina Napura at James Guanlao.
Mula sa 300 entries, pumili ang selection committee ng TMFF ng 20 pelikula at nakuha ang five top entries na binigyan nga ng grant na nagkakahalaga ng P300,000 hanggang sa maximum na P500,000.
“Bilang selebrasyon ng ika-452 Araw ng Maynila, iisa lamang po ang nais nating ipagmalaki, ang galing at talento ng mga batang Maynila sa larangan ng sining at akademya,” ani Vice Mayor Yul .
Samantala, nakachikahan namin si Vice Mayor Yul sa ginanap na opening ng TMFF at naikuwento nga niya na may guest appearance siya sa entry na “CTRL-F-ESC” na nagsilbing comeback niya sa pag-arte makalipas ang mahabang panahon.
Aminado ang Vice Mayor na nailang siya at medyo nangapa sa muling pagharap niya sa harap ng camera bilang aktor, “First time ko ulit umarte ngayon. Matagal nang panahon na umarte ako sa harapan ng kamera. Kaya nga ilang na ilang ako habang umaarte.
“Kahit na sabihing award-winning ka, para kang lapis na pumupurol, kaya kailangan mong tasahan kapag gagamitin mo na. Kaya dito, nabigla ako, buti na lang magaling naman ‘yun direktor at production, kahit mga bata sila. Sabi ko nga kanila, pag di nila type, ok lang na ulitin natin.
“Mukhang okay naman sa kanila. Mabilisang trabaho lang kasi ito, pero nalampasan ko, kaya nakatutuwa naman,” aniya pa.
Dugtong pa ng aktor, “Kasi pag gagawa ako ng pelikula, nag-i-stage play muna ako, tapos doon ako maghahasa sa pag-arte. Pero dito, sumalang agad ako eh.”
May offer din daw na movie si Edith Fider sa kanya at nabasa na niya ang script kaya sana raw ay matuloy ito. Meron din daw alok sa kanya na isang pelikula kung saan makakasama niya uli ang National Artist na si Nora Aunor.
Pahayag pa ni Yul, “Kung dati parang loveteam kami o leading lady (sa movie na ‘Naglalayag’), ngayon nanay ko naman.”