Jhong Hilario nagtapos ng magna cum laude sa Arellano University: ‘Ito yung bayad-utang ko sa mga magulang ko’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Jhong Hilario (Photo: Screengrab from TV Patrol)
SA wakas, natupad na rin ng Kapamilya actor at TV host na si Jhong Hilario ang isa sa kanyang mga pangarap – iyan ay ang maka-graduate ng college.
At in fairness, hindi lang basta nagtapos ang “It’s Showtime” host sa kursong Political Science, gumradweyt din siya bilang magna cum laude.
Siyempre, proud na proud ang Kapamilya actor sa panibago niyang achievement sa buhay na talagang pinagsikapan at pinagpaguran niya nang bonggang-bongga.
Sa ulat ng “TV Patrol” kagabi, makikita ang pag-akyat ni Jhong sa stage upang tanggapin ang kanyang medalya at diploma.
Habang nasa gitna siya ng entablado ang tunaguriang “Sampol King” ay bigla siyang hiniritan ng kanyang batchmates na magbigay ng pasambol. Pinagbigyan naman ng aktor ang hiling ng mga kapwa graduates.
Sa panayam ng ABS-CBN, talagang kinarir ni Jhong ang pag-aaral para sa edad niyang 46, ay matupad ang pangako niya sa mga magulang na makatapos sa kolehiyo.
Aniya pa sa nasabing interview habang karga-karga ang kanyang anak, “Ito yung bayad-utang ko sa mga magulang ko.
“Lahat ng parents, gugustuhing makatapos ng pag-aaral mga anak nila. Ang lahat ginagawa nila, nagtatrabaho sila nang marangal para makapagpaaral ng mga anak,” dagdag ni Jhong.
Hirit pa niya, “Heto na ‘yon! Kahit late na, at the age of 46, at least buhay pa ang parents ko.”
Nagbigay din siya ng kanyang mensahe sa lahat ng mga kababayan nating nangangarap pa ring maka-graduate at makakuha ng college diploma.
“Sa lahat ng gustong makatapos ng pag-aaral, kahit late na katulad ko, meron talagang pagkakataon, meron talagang paraan para gawin ito, kahit na sobrang busy tayo, time management lang, for me napakaiksi ng buhay para walang gawin eh,” paalala pa ni Jhong.
In fairness, talagang nababalanse ng aktor ang kanyang oras dahil bukod sa kanyang trabaho sa showbiz at pagpupursigi sa pag-aaral nagagawa pa rin niya ang kanyang responsibilidad bilang konsehal sa 1st District ng Makati.