Ang mga mansion sa AFP Officers Village

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

INUMPISAHAN
na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paghahabol sa mga negosyanteng hindi nagbabayad ng buwis nang tinarget nila ang may-ari ng isang malaking pawnshop.
Si William Villarica, tanging may-ari ng W. Villarica Pawnshop, ay di raw nagdeklara ng kinita sa taon kung kailan bumili siya ng isang sports car na nagkakahalaga ng P26 million.
Tama lang na habulin si Villarica for tax evasion upang maging halimbawa sa ibang negosyante na nandadaya sa pagbayad ng kanilang buwis.
Nakakatawa naman ang deklarasyon sa BIR ni Villarica na wala siyang kinita noong taon 2007, pero nakabili siya ng P26 million na Italian-made Lamborghini Gallardo Spyder.
Dapat ay imbestigahin din ang mga taga-BIR noong panahon na nag-declare si Villarica ng “no-income” tax returns.
Hindi puwedeng walang kasabwat si Villarica na mga taga-BIR.
* * *
Pero bago sana habulin ni Kim Henares, bagong commissioner ng BIR, ang mga tax evaders bakit di muna niya silipin ang kanyang bakuran?
Maraming opisyal at empleyado ng BIR na nakatira sa malalaking bahay at nagmamay-ari ng mamahaling kotse at may malalaking pera sa bangko.
Bago sana tingnan ang muta ng iba, tingnan muna ng mga taga-BIR ang salamin upang makita nila ang muta sa kanilang mga mata.
* * *
Kung ibig ni Pangulong Noy kung saan napupunta ang kinukurakot ng mga heneral at koronel ng militar at pulisya, dalawin niya ang AFP Officers Village Assocation Inc.  o AFPOVAI sa Taguig.
Makikita niya ang naglalakihang mansion sa AFPOVAI na pag-aari ng mga heneral at koronel ng Armed Forces at ng Philippine National Police (PNP).
Nagmumukhang bahay-kubo sa Corinthian Gardens at Greenhills Village kung ikukumpara mo ang mga ito sa mga mansion sa AFPOVAI.
Hindi man lang itinatago ng mga damuho ang katas ng kanilang mga ninakaw.
Ang kakapal ng kanilang mga mukha!
* * *
May isang naiibang mansion sa AFPOVAI dahil ang may-ari nito ay hindi militar o pulis, kundi isang collector ng Bureau of Customs.
Napakalaki ng lupa na kinatirikan ng mansion nitong opisyal ng customs, mga 2,000 square meters.
Mataas ang pader ng mansion na ang compound ay nag-ookupa ng dalawang bloke sa AFPOVAI.
Malamang ay nabili niya ang lupa sa apat na heneral dahil ang mga lupa roon ay tig-400 square meters bawa’t pamilya.
Ang taong nag-tour sa akin sa AFPOVAI ay napapailing habang itinuturo niya ang mga bahay ng mga heneral at yung sa customs collector.
Ang estimate ng aking kasama sa halaga ng mansion at lupa ng customs collector ay P300 million.
Saan naman ninakaw nitong si Mr. Customs Collector ang perang ipinagpatayo niya ng mansion sa AFPOVAI?
* * *
Hindi makapaghintay si Public Works Secretary Rogelio Singson na i-appoint siya ng Pangulong Noy na pinuno ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Siya na mismo ang nag-appoint sa kanyang sarili bilang MWSS chairman.
May conflict of interest siya sa pagtatalaga niya sa kanyang sarili sa MWSS dahil siya’y dating president at chief executive officer ng Maynilad na may jurisdiction ang MWSS.
Makapal ang mukha nitong si Singson.

Bandera, Philippine News, 071910

Read more...