WALA pa ring epekto sa anumang bahagi ng ating bansa ang bagyong Chedeng.
Ito ang tiniyak ng weather bureau na PAGASA sa kanilang press briefing nitong June 10.
Paliwanag ni Weather Forecaster Veronica Torres, “Nananatiling malayo si Chedeng sa landmass ng Pilipinas.”
Ani pa niya, “Dahil nga may kalayuan sa ating bansa itong si Chedeng, mababa pa rin ang tiyansa na magtaas tayo ng Wind Signal sa kahit anong parte ng bansa.”
Huling namataan ang bagyo 880 kilometers sa silangan ng Northern Luzon.
Baka Bet Mo: Panahon ng tag-ulan sa bansa opisyal nang idineklara ng PAGASA
Taglay nito ang lakas na hangin na 150 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Mabagal rin ang pagkilos nito pa-kanluran.
Ayon pa kay Torres, “Inaasahan na sa susunod na 12 hours, si Chedeng ay mame-maintain ang kanyang lakas.”
Nilinaw rin ng PAGASA na kahit walang epekto ang bagyo, makakaranas pa rin ng mga pag-ulan sa ilang lugar dahil naman sa Northeast Monsoon o Hanging Habagat.
“Hindi natin inaasahan na may direktang epekto si Chedeng sa kahit na anong bahagi ng ating bansa in the next three days, although pwede mag-enhance ang Northeast Monsoon at maaaring makaranas ng occasional rains over the western portions of Luzon and Visayas,” sambit ng weather forecaster.
Dahil sa Habagat, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan, at Western Visayas.
May panaka-nakang pag-ulan naman sa nalalabing bahagi ng bansa.
Read more:
PAGASA: Bagyong Chedeng posibleng maging ‘typhoon’, pero hindi tatama sa kalupaan