Karla Estrada nag-’sorry’ matapos gawing background music ang NPA anthem: Hindi ko po sinadya o intensyon…

Karla Estrada nag-’sorry’ matapos gawing background music ang NPA anthem: Hindi ko po sinadya o intensyon…

PHOTO: Instagram/@karlaestrada1121

DAHIL sa kasabikan na ibahagi ang kanyang pagsali bilang “reservist” ng Philippine Army, hindi na namalayan ng TV host-actress na si Karla Estrada ang inilagay na background music sa kanyang Instagram Reels.

Naging agaw-atensyon kasi sa maraming netizens kamakailan lang ang inilagay na kanta ni Karla na music anthem pala ng rebel group na New People’s Army (NPA).

Ibinandera niya ang musikang “Ang Bagong Hukbong Bayan,” kalakip ang ilang litrato na suot ang Army reservist uniform at kasama ang ilang AFP officers.

Burado na ang nasabing post, pero kumalat pa rin ito sa social media dahil nagawa pa itong kuhain at i-post ng ilang netizens.

“‘Di ko alam kung matatawa o maiiyak ako eh,” sey ng isang twitter user. 

Baka Bet Mo: Advice ni Amy Perez kay Karla Estrada bilang bagong host ng ‘Face 2 Face’: Umpisahan mo ang show bilang ikaw, hindi ako

May isa pang nag-post na hiyang-hiya sa ginawa ni Karla sa Instagram.

At dahil bumubuhos na ang pamba-bash sa TV host, agad naman siyang humingi ng tawad.

Inamin ng aktres na wala siyang kaalam-alam na mula sa NPA ang kanta na inilagay niya sa kanyang IG Reel.

“Ako po ay hindi aware na ang nasabing musika na nailapat sa aking video reel ay isa palang awitin umano na tumutukoy sa isang grupo na may paniniwalang salungat sa pamahalaan,” sey niya sa IG caption.

Dagdag pa niya, “Ako po ay taos pusong humihingi ng paumanhin sa Philippine Army at sa lahat ng taong nasaktan o naapektuhan ng nasabing video reel.”

“Hindi ko po sinadya o intensyon na ilapat sa aking video ang nasabing musika at wala din po sa aking kamalayan kung ano ang kinakatawan o mensaheng nilalaman nito,” paliwanag pa niya.

Nilinaw rin niya na ang kanyang intensyon sa pagsali sa Philippine Army ay para lalo pang makapaglingkod sa bansa.

“Nais ko pong ipabatid sa lahat na ang tanging layunin ng aking pagpapalista sa hanay ng  Philippine Army bilang Reservist ay upang makapaglingkod sa bawat Pilipino at sa bansang Pilipinas sa abot ng aking kakayanan,” sambit pa niya sa IG.

Aniya, “Muli, humihingi po ako ng paumanhin. Salamat po.”

Si Karla ang bagong host ng Barangay Hall on-air program na “Face 2 Face” na kung saan ay tinatangka niyang pag-ayusin at pagbatiin ang mga nag-aaway o nagkakainitang magkapamilya, magkaibigan, mag-partner at magkapitbahay na hindi naaayos sa barangay.

Related Chika:

Rabiya umaming naging ‘NPA’ noon dahil sa sobrang kahirapan, pinalayas sa bahay dahil hindi nakakabayad ng renta

Read more...