NAKAUSAP namin sa Radyo Inquirer si Nelson Balagat ng Saranggani City. Sumbong niya, tumalon daw ang misis niyang si Love Joy Pineda Balagat mula sa 12th floor ng building na pinagtatrabahuhan niya noong Set. 27, na siya nitong ikinamatay.
Umalis si Love Joy, noong Abril 23, patungong Kuwait.
Matapos ang limang buwan ay nakarating kay Nelson ang masamang balita tungkol sa sinapit ng misis.
Kasalukuyang nasa Kuwait ang bangkay nito.
Ayon kay Nelson, una na umanong naikwento ng asawa na mabuti naman daw ang pakikitungo ng kanyang madam sa unang dalawang buwan.
Pagkatapos noon, isinama pa raw ang kanyang misis ng amo, na isang Egyptian, sa Egypt nang magbakasyon ito.
Pagbalik nila ng Kuwait, doon na raw nakakitaan ni Love Joy ng pagbabago ng ugali ang employer. Naging masungit at malupit na ito sa kanya at sinasaktan pa siya.
Parang nasisiraan na raw ng bait ang kaniyang amo.
Kaya naman nang nagpapaalam na ito, lalo pang nagalit ang employer sa OFW.
Katwiran daw nito, bakit pauuwiin si Love Joy samantalang gastos niya lahat ang pagpapadala sa kanya sa Kuwait.
Nagtungo na sa DFA si Nelson upang agad maipaalam ang nangyari sa asawa at hilingin ang agarang pagpapauwi sa bangkay nito.
Ayon naman sa Jamaica International Placement Services, ang ahensiyang nagpaalis kay Love Joy, sarado na raw ang kaso dahil nag-suicide daw ang kanyang asawa.
Ngunit naka-hold naman ang pagpapauwi sa bangkay ni Love Joy dahil muling pinaiimbestigahan ng Kuwait police ang naturang kaso upang tiyakin kung may foul play o suicide nga ba ang nangyari—kung tumalon nga ba ito, o aksidenteng nahulog o sadyang itinulak.
vvv
Bumagsak na sa mga kamay ng awtoridad sa Belgium ang tinaguriang hari ng mga pirata ng Somalia na si Mohamed Abdi Hassan alyas Afweyne at tinaguriang “Big Mouth,” ayon sa ulat ni Arlene Andes, Bantay OCW host sa Brugge, Belgium.
Nagpahirap sa maraming mga mandaragat si Afweyne at ang mga pirata nito dahil sa sunod-sunod nilang kidnapping activities kapalit ng malaking halaga bilang ransom sa buhay ng mga marino, kasama na ang mga Pinoy seafarers.
Dagdag ni Andes, galing sa Nairobi Kenya si Afweyne kasama ang anak nitong si Abdikadir na kinilala bilang pinaka-notorious at makapangyarihang mga pirata na namayagpag sa Somalian coast nang napakahabang panahon.
Ikinagulat pa nila ang pagkak-aresto sa kanila nang mga Belgian police.
Ang mag-ama ay may kasama pang mataas na opisyal ng Somalia at pinaniniwalang siyang nagbibigay proteksyon sa mga pirata. Matagal nang reklamo ng UN kung bakit walang kasong naisasampa laban sa mga ito, sa kabila ng napakaraming kasong kinasasangkutan nila,
Si Afweyne at ang kanyang mga pirata na tinawag niyang Somali Marines ang pinaniniwalaan ding responsable sa pagdukot sa crew ng Pompei vessel noong 2009.
Mula sa sa Zaventem airport sa Brussels, Belgium, inilipat sa Bruges ang tinaguriang hari ng mga pirata upang doon isagawa ang pormal na imbestigasyon at pagsasampa ng kasong piracy.
Napakaraming buhay na ang nawala, nagsarang mga negosyo, mga pamilyang nagdusa at patuloy na pagdurusa dahil sa walang habas na operasyon ng mga piratang ito kapalit ng limpak limpak na mga dolyar.
Si Afweyne ay binansagang stinking rich- pirate millionaire.
Tumalon, nahulog o sadyang itinulak?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...