SINO ba ang makakalimot sa ginawang pagpuna ni Pangulong Aquino sa mga opisyal ng Government Owned and Controlled Corp., dahil sa laki ng mga tinatanggap nitong bonus.
Hindi naman kasi talaga maganda tingnan na maniningil ang Social Security System ng dagdag na premium at ang dahilan ay kukulangin na kasi ng pondo ang ahensya, pero sa kabilang banda eh binibigyan nila ang kanilang mga sarili ng bonus.
Sino nga naman sa kanila ang papalag kung sila ang makikinabang sa bonus na kanilang aaprubahan?
Ang sakit nga naman sa bangs ang dagdag na kaltas sa buwanang sahod ng mga manggagawa. Ganon din ang angal ng mga negosyante.
Hindi ba pwede yung share na lang ng employers ang dagdagan at huwag na yung share ng regular na empleyado—kahit yung mga empleyadong minimum o wala pa ang sinasahod?
Kung ang SSS napuna, bakit nga naman hindi ang Philippine Health Insurance Corporation?
Sabi ng COA, kulang ng P3.8 bilyon ang reserve fund ng PhilHealth noong 2012. Pero kulang na nga, nagawa pa nilang bawasan ang kanilang pondo ng mga bonuses—22 iba’t ibang bonus na may kabuuang halagang P1.448 bilyon.
Walang makitang legal na basehan ang COA para masabi na tama ang bonus.
Nabuhay na naman ang usapin ng dayaan sa nakaraang eleksyon. Yung tinatawag nilang 60-30-10 na hatian ng boto. Ang boto na napupunta sa mga kandidato ng administrasyon ay 60 porsyento, 30 sa oposisyon at 10 sa independent.
Kaya lang may nagtatanong, kung kaya umanong dayain ng administrasyon ng boto sana ay ginamit na rin nila ito sa mga lokal na botohan para sa 2016 wala silang poproblemahin.
Kung kakampi nila ang nakapuwesto sa mga lugar kung saan malaki ang bilang ng mga botante, kanila na ang 2016 polls. Ayos na ang buto-buto.
Isang babaeng mambabatas pala ang walang pag-aalinlangang hinarap ang kanyang mister na nahuli niyang tumitikim ng ibang putahe.
Ang kuwento, minsan ay nagpaalam na iiwan muna ang mister para gampanan ang trabaho sa bayan.
Nakita naman ito ng kanyang mister bilang isang pagkakataon upang muling makasalisi at makatikim ng ibang luto ng Diyos.
Sinundo ni mister ang isang sexy at magandang babae. Diretso sila sa isang motel sa kanilang lugar. Baka hindi na nakatiis itong si sir kaya hindi na nagpakalayo-layo pa.
Ang hindi alam ni sir, hindi totoo na umalis ang kanyang misis. Hindi niya napansin na mayroong sasakyan na sumusunod sa kanya hanggang sa makarating sa motel.
Makalipas ang ilang oras ay nag-check out na si sir at ang kanyang kasama.
Laking gulat nila ng kanilang paglabas ay naroon na si ma’am. Kung tutuusin ay masuwerte pa rin itong si sir dahil hindi nag-eskandalo si ma’am. Kung ibang babae ito, malamang naligo siya ng mura, sampal, sabunot at kalmot.
Ang sabi ni ma’am kay sir: “Masarap ba? Huwag ka nang uuwi ng bahay.”
Maraming salamat kay Rudy Mercader, ng Sampaloc, Maynila, at sa iba pang nagbabasa ng ating artikulo.
vvv
Kung may komento o tanong kayo, ay i-text lang ang TROPA, pangalan, edad at mensahe sa 09178052374.