KINORONAHAN bilang 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe ang Pilipinang taga-Japan na si Marivel Kawajiri sa pagtatapos ng ikalimang edisyon ng pandaigdigang patimpalak na itinanghal sa Sabah, Malaysia, noong Hunyo 5.
Japan ang ibinandera ni Kawajiri, na nakatira sa lungsod ng Kagoshima sa timog-kanlurang panig ng bansa. Itinanghal ang coronation show sa Ming Garden Hotel sa Kota Kinabalu, at may limang dibisyon ito—Mrs., Miss, Mister, Princess, at Prince.
Sinundan niya si Aida Patana mula Pilipinas, na sa kasawiang-palad ay hindi nakapunta sa Malaysia upang magkorona ng tagapagmana. Tumulak kasi siya sa India upang samahan ang anak na si Sheila na kinatawan naman ng bansa sa unang edisyon ng Miss Icon World pageant sa Hunyo 8.
Kasama sa Malaysia ng bagong reyna ang national director niyang si Myla Villagonzalo-Tsutaichi, isa pang Pilipinang nakatira sa Japan na kinoronahan bilang Mrs. Tourism Ambassador International noong 2020, sa Malaysia rin, at organizer na ngayon ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant.
Iginawad kay Kawajiri ang tungkuling maging kinatawan ng Japan sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International pageant nang masungkit niya ang pangunahing titulo sa unang edisyon ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan competition sa Tokyo nitong Pebrero. Apat na awards ang inuwi niya sa pambansang patimpalak—ang Best in Talent, Best in Filipiniana, Mrs. Humanity, at Myk’s Coffee Ambassador.
Sa kumpetisyon naman sa Malaysia, hinirang din si Kawajiri bilang Mrs. Intellectual, Mrs. Model Culture, at Best in Makeup. Best in Gown at Mrs. Congeniality naman ang kapwa niya kinatawan ng Japan na si Wannie Ono, isang Pilipinang gym trainer sa Tokyo.
Kapwa pinadala ni Tsutaichi sina Kawajiri at Ono sa pandaigdigang patimpalak sa Malaysia na inorganisa ni Baq Arfha, founder ng MMMTAU organization. May 47 kabuuang bilang ng mga kalahok para sa limang dibsiyon ng katatapos na kumpetisyon.
Bago tumulak sa Malaysia para sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International pageant, pumunta muna sina Tsutaichi, Kawajiri, at Ono sa Pilipinas upang magsagawa ng isang outreach program sa nonprofit organization na God’s Angel Little Miracle.