MAGANDANG araw po. Ako si Elizabeth Estanislao. Isa akong kasambahay.
Mayroon lang akong nais itanong sa PhilHealth, SSS at NSO.
Sabi ng amo ko, huhulugan niya daw ako ng SSS at Philhealth ko.
Ang problema ko ay wala akong birth certificate pero meron naman po akong marriage certificate.
Kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nahuhulugan dahil wala akong maipakitang dokumento.
Pwede pa rin ba akong hulugan ng SSS at PhilHealth ng amo ko kahit wala pa akong mga dokumento?
Kapag nahulugan na nila ako, may benepisyo bang matatanggap ang mga benepisyaryo ko?
Ano ang dapat kong gawin? Nung pumunta ako sa NSO, hindi daw ako nakarehistro kaya wala daw akong birth certificate.
Nung nagpakasal kasi kami ng asawa ko, hindi naman hinanap ang birth certificate ko. Ang problema ko pa, hiwalay na kami ng asawa ko at naiwan sa akin ang walong anak ko. Paano po kaya ito?
Lubos na
gumagalang,
Elizabeth
REPLY: Pagbati mula sa Team PhilHealth!
Maraming salamat sa inyong interes sa National Health Insurance Program.
Nais naming ipabatid na ang mga sumusunod ay ang mga kailangang dokumento upang makapagparehistro sa Philhealth:
1. Pinunan ng tama at kumpletong PhilHealth Member Registration Form or (PMRF) na may kalakip na Birth/Baptismal Certificate. Kung hindi available ang nasabing dokumento, magsumite ng alinman sa mga sumusunod na valid ID.
Passport
Driver’s License
Professional Regulation Commission (PRC) ID
National Bureau Of Investigation (NBI) clearance
Police Clearance
Postal ID
Voter’s ID
Barangay Certification
Government Service Insurance Sytem (GSIS) e-Card
Social Security System (SSS) Card
Senior Citizens Card
2. Maglakip ng Birth Certificate para sa idedeklarang dependents kung mayroon (anak na may edad na mas mababa sa 21 taong gulang, walang trabaho at asawa)
3. Isumite sa kahit saang tanggapan ng PhilHealth
4. Magbayad ng kaukulang premium contribution
Matapos na maproseso ang inyong application kayo ay bi-
bigyan ng PhilHealth Identification Number (PIN) na inyong gagamitin sa kahit anu mang transaksyon sa PhilHealth at sa oras na kayo ay may PIN na, maaari nang maghulog ng kontribusyon ang inyong amo.
Bilang isang miyembro ng Philhealth, kayo at ang inyong mga kwalipikadong dependent ay maaring makagamit ng benepisyo kung kayo ay maoospital nang hindi bababa sa 24 oras sa isang accredited na paggamutan ng PhilHealth.
Mayroon ding piling outpatient benefits ang PhilHealth, gaya nang cataract extraction, hemodialysis, chemotheraphy at ibang pa o mga piling surgical procedures.
Sa paggamit ng benepisyo sa Philhealth, kinakailangan na mayroon kayong hulog na hindi bababa sa tatlong (3) buwang hulog sa loob ng anim (6) buwan bago maospital.
Sana ay aming nabigyang linaw ang inyong mga katnungan. Kung kayo ay may iba pang nais na malaman sa programa ng PhilHealth huwag kayong mag atubiling muling mag email sa aming tanggapan at malugod namin kayong tutugunan.
Maraming salamat.
CORPORATE
ACTION CENTER
Website: www.philhealth.gov.ph
Twitter: @teamphilhealth
Facebook: www.facebook.com/PhilHealth
Call Center: 441-7442
Tungkol naman sa problema ninyo sa birth certificate, ipinapayo ni Atty. Fe Siton, ng Ibandera ang Batas, isa pong kolumnista natin, na magtungo kayo sa Civil Registrar ang mag-apply kayo ng late registration.
Ito ay isang proseso para magkaroon kayo ng birth certificate na kakailanganin ninyo sa iba pang importanteng mga dokumento. — Aksyon Line