BUMAGSAK ng 15 porsyento ang net satisfaction rating ni Pangulong Aquino sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station.
Ayon sa third quarter survey ng SWS, sumadsad sa 49 porysento ang net satisfaction rating ni Aquino mula sa dating 64 porysento na naitala noong Hunyo.
Gayunman, ipinagtanggol ng mga kaalyado ni Aquino na hindi naman ito ang pinakamababang marka na nakuha ng pangulo.
Sa buong termino ni Aquino, ang pinakamababang net satisfaction rating niya ay 42 poryento na naitala noong Marso 2012, habang ang pinakamataas naman ay naitala noong Agosto, 2012 na umabot ng 67 porsyento.
Pinakamalaki ang ibinaba ni Aquino sa Visayas na nahulog sa 48 porsyento mula sa dati nitong 74 porsyento. Sa National Capital Region, mula sa 64 porsyento noong Hunyo, bumaba ito ng 49 porsyento.
Naitala naman sa 52 porsyento ang net rating ni Aquino sa iba pang bahagi ng Luzon at 52 porsyento naman sa Mindanao.
Ang survey ay ginawa mula Setyembre 20-23 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
‘Pork’ ang dahilan
Sinasabing may kinalaman sa isyu ng pork at ang gera sa Zamboanga City ang ilan sa mga dahilan kung bakit bumulusok ang rating ng pangulo.
Aminado naman ang Palasyo na malaki ang kinalaman ng pork barrel sa pagbaba ng satisfaction rating ni Aquino. Gayunman, natutuwa pa rin anya sila dahil majority pa rin ng mga Pinoy ang suportado ang kampanya ng pangulo laban sa katiwalian.
“While an overwhelming majority of Filipinos remain supportive of the President and his agenda, we recognize that the increase in those dissatisfied reflects the depth of anger and disappointment of the people at the way public funds have been stolen,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
“No amount of clutter should confuse the true issue at hand: Public funds were stolen by elected officials and their cohorts in the bureaucracy and the private sector,” dagdag ni Valte.
… at babagsak pa
LALO pa umanong sasadsad ang rating ni Pangulong Aquino sa sandaling hindi niya ituloy ang pagbasura sa pork barrel at patuloy na susuportahan ang mga kaalyadong sabit sa kontrobersya.
Ito ang sinabi kahapon ni ACT Teachers’ party list Rep. Antonio Tinio kaugnay sa pagbaba ng rating ni Aquino sa huling survey ng SWS.
“That ratings slide is because the public has seen that P-Noy has been defending the PDAF [priority development assistance funds],” pahayag ni Tinio.
“His satisfaction ratings will be lower if he does not heed the public’s call to abolish the pork barrel and abolish the DAP,” dagdag pa nito.
Ganito rin ang rekasyon ni Gabriela Rep. Luz Ilagan. Sa kanyang kalatas, sinabi ni Ilagan na mapapawi ang popularidad ni Aquino kung patuloy nitong idedepensa ang mga kaalyadong sabit sa pork barrel scam.
“You cannot steal bread from someone who is hungry and not expect some form of resistance or retaliation. The government’s inaction on the pork barrel scam and the worsening poverty in the country will produce dire consequences for Aquino and his ilk,” anya pa. — Inquirer
( Photo credit to INS )