Mga kandidata ng Miss Manila pageant nakarampa na sa national stage

Mga kandidata ng Miss Manila pageant nakarampa na sa national stage

Dalawampung dilag mula sa iba’t ibang panig ng lungsod ang magtatagisan sa 2023 Miss Manila pageant/ARMIN P. ADINA

 

HULING itinanghal ang Miss Manila pageant noong 2018 pa, dalawang administrasyon na ang nakararaan. Ngayon, ibinabalik ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pinakaaabangang kumpetisyon upang maghanap ng sinasabi niyang “women of worth.” At nakahanap sila ng mga beterana ng mga pambansa at pandaigdigang patimpalak para sa revival edition ngayong taon.

Nakarampa na sa 2021 Miss Universe Philippines at 2022 Mutya ng Pilipinas pageants si Angela Okol mula Paco, na hinirang bilang “Darling of the Press” dahil sa pagtanggap ng pinakamaraming boto mula sa mga kawani ng midya na dumalo sa press presentation ng mga kandidata sa Rizal Park Hotel noong Hunyo 3.

Si Angela Okol mula Paco ang ‘Darling of the Press.’/ARMIN P. ADINA

Sinabi niyang sumali siya sa kumpetisyon upang hamunin ang mga pamantayang kalimitang iniuugnay sa pageantry bilang isang babaeng hindi umaabot sa minimum height requirement ng maraming patimpalak. Kasali na sana siya sa Top 20 ng 2021 Miss Philippines Earth pageant, ngunit tinanggal siya dahil sa height niya.

“We stand on pageant platforms and on social media to fight injustice and whatever causes the beauty queen believes in…I cannot say the same for everyone else, but most of the queens I know and the sisters behind me, we stand before you guys with the most genuine advocacies we have,” aniya.

Juvyel Anne Saluta, Pandacan/ARMIN P. ADINA

Isa pang beterana ng national pageants si Juvyel Anne Saluta mula sa Pandacan. Kahit siya ang pinakabatang kandidata na 18 taong gulang pa lang, dalawa nang pambansang patimpalak ang sinalihan niya—ang 2021 Miss Bikini Philippines at 2022 Miss FIT (Face, Intelligence, Tone) Philippines pageants.

Anna Carres De Mesa, Sta. Mesa/ARMIN P. ADINA

Dalawang pambansang patimpalak din ang sinalihan na ni Anna Carres De Mesa mula Santa Mesa, ang 2021 Miss World Philippines at 2022 Binibining Pilipinas pageants. “Backed with my experience from the national pageants I believe I have enough experience, I have enough maturity, to show not only the ‘Manileños, but the whole Philippines, what I can give,” pahayag niya.

Pangarap na umano niyang makasali sa Miss Manila pageant mula pa noong nag-aaral siya ng accountancy sa University of Santo Tomas. Ngunit sinabihan siya ng mga magulang na tutukan muna ang pag-aaral. Nagtapos siyang cum laude at ipinasa ang licensure examinations para sa certified public accountants, ngunit hindi na itinanghal ang patimpalak noong panahong iyon.

Miss Philippines Ecotourism 2019 Karen Nicole Piccio mula Pureza, Sta. Mesa/ARMIN P. ADINA

Nagmula naman sa Purez sa Santa Mesa si 2019 Miss Philippines Ecotourism Karen Nicole Piccio, na iskolar sa Manila Science High School at sa De La Salle University. “I believe it’s a way to give back. I feel it’s a responsibility for me to always go back to my core,” sinabi niya tungkol sa pagsali sa city pageant.

Miss Multiverse 2021 Top 10 finalist Julie Tarrayo mula Sta. Cruz/ARMIN P. ADINA

Samantala, nakasali na si Julie Tarrayo sa 2021 Miss Multiverse pageant, kung saan siya nakapasok sa Top 10. Ngunit sinabi niyang nagkaroon siya ng “motivation” na sumali sa isang city pageant upang isulong ang agricultural entrepreneurship. “I work with farmers and fishermen, not only here in Manila but also in provinces, where I get resources from,” aniya.

“The Philippines has a lot of agricultural resources that we can use, not only to help ourselves, but also help the community. I want to shed light on that, that the women of Manila have not just beauty, not just intelligence, we work every day to promote our advocacies close to our hearts,” pagpapatuloy ng kinatawan ng Santa Cruz.

Dalawampung dilag ang nagtatagisan para sa titulo bilang 2023 Miss Manila, na may kaakibat na premyong P1 milyon, at koronang tinadtad ng diyamante, sapphire, at isang malaking perlas. Kokoronahan ang reyna sa coronation night na itatanghal sa Metropolitan Theater sa Hunyo 23. Magtatanghal ang proud Manileña na si Angeline Quinto, na siyang umawit sa theme song ng patimpalak, habang magho-host naman si 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Read more...