Bandera Editorial
SINO’ng nagsabi na kapag naging pangulo na si Noynoy ay hihinto na ang pamamaslang ng mediamen at aktibista? Bakit walang nagtataas ng kamay para amining siya ang nagsabi?
Bakit iginigiit ni Human Rights Commissioner Leila de Lima na maaaring may kinalaman ang militar sa pamamaslang (dahil daw sa ang modus operandi ay iisa: nakamotor ang mga suspek)?
Hanggang ngayon ay punching bag pa rin ang Armed Forces. Lahat ng patayan ay maaaring isisi sa AFP. Marahil, pati ang mga bangkay na inilibing sa killing fields ng New People’s Army ay puwede ring isisi sa AFP (kung di lang inamin mismo ng komunista na iniligpit nila ang mga ito dahil sa pamumurga).
Hindi naman papalag ang AFP kung isisi man sa kanila ang lahat ng patayan. Pero, nakabuyangyang na uri ng kamangmangan ang mag-akusa nang walang katibayan.
Sisihin ang AFP. Usigin sila kung may katibayan at testigo. May kalalagyan pa rin naman sila sa kulungan kahit lahat sila ay mapatunayang nagkasala at ikalaboso.
Babalik na naman ba tayo sa pangungutya ni Dr. Jose Rizal sa mga mangmang na umuugit sa gobyerno?
* * *
>..pati ang jueteng
SINO’ng nagsabi na kapag naging pangulo na si Noynoy ay hihinto na ang jueteng? Bakit walang nagtataas ng kamay para amining siya ang nagsabi?
Napahinto ba nina Ninoy at Cory ang jueteng noong sila’y naglilingkod sa pamahalaan? Ang nagsabing kaya ni P-Noy na pahintuin ang jueteng ay mangmang. Ang jueteng ay kanser ng lipunan. Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay may ilegal na sugal na.
Sumuko na nga ang mga dating kontra-jueteng at ngayon ay nagsasabing gawin na lamang itong legal, buwisan nang malaki at baka may maidagdag pa para mabawasan nang kahit konti ang budget deficit.
Kung makikinig na naman tayo sa simbahan, bakit hindi natin balikan ang itinayong simbahan sa Barangay San Bartolome, Quezon City, na alam ng marami na may ambag na pera galing sa jueteng?
Talastasin na rin natin kung saan kumukuha ng donasyon ang mga simbahan sa Bicol, Quezon, Laguna, Batangas, Cavite at Central Luzon.
Di ba’t umamin si Jaime Cardinal Sin na tumanggap din ang simbahan ng donasyon mula sa Pagcor?
Ano ba ang kaibahan sa sugal ng mayaman at mahirap?
Bandera, Editorial, 071510