LUCKY SHOT By BARRY PASCUA
MAITUTURING na “upsets” ang mga resulta ng opening games ng 73rd University Athletic Association of the Philippines men’s basketball tournament noong Sabado sa Araneta Coliseum.
Tinambakan ng host De La Salle Green Archers ang University of the Philippines Fighting Maroons, 80-62, samantalang dinaig ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang University of the East Warriors, 80-67.
Papasok sa mga larong iyon kasi’y bahagyang pinapaboran ang UP at UE.
Ang UP, na sa ikatlong season ay hawak ni coach Aboy Castro, ay may halos intact na lineup na pinangungunahan ni Smart Gilas cager Magi Sison. Ang UE, na hawak ni coach Lawrence Chongson, ay finalist noong nakaraang season kung saan nahatak pa nga nila ang nagkampeong Ateneo Blue Eagles sa deciding Game Three.
Sa kabilang dako, sumailalim sa napakaraming pagbabago ang lineups ng La Salle at UST kung kaya’t maraming nagsabi na mahihirapan ang dalawang ito sa kani-kanilang kampanya.
Sa press conference ng UAAP noong nakaraang Lunes ay sinabi ni UST coach Alfredo Jarencio na kung ira-rank ang mga kalahok, malamang na pangwalo sila sa walong teams. Siyempre, biro lang iyon.
Pero dahil doon marahil ay naglalaro ang Growling Tigers nang kakaunti lang ang pressure. Kasi nga, sa walong teams, sila ang pinakadehado. Kumbaga sa karera ng kabayo, ang dibidendong katapat nila ay 999. Subalit kahit naman mga longshots ay nakakasilat din at iyon ang pinatunayan nila noong Sabado.
Tulung-tulong lang ang Growling Tigers at balanse ang naging scoring nila. Bilang patunay nito, limang manlalaro ni Jarencio sa pangunguna ni Jeric Teng ang umiskor ng double figures. Si Teng, na pinarangalan bilang Rookie of the Year noong nakaraang season, ay siyang main man ng Growling Tigers ngayon.
Biruin mo iyon? Second year pa lang siya, main man na kaagad. Kumbaga sa mangga, hindi ba parang hinog sa pilit iyon? Pero wala ngang magagawa si Jarencio dahil ito nga lang ang kanyang materyales.
Sa panig ng La Salle, ang Green Archers ay ginagabayan ngayon ni Dindo Pumaren na humalili sa kanyang kapatid na si Franz na nagbitiw upang pagtuunan sana ang kanyang political career. Si Franz ay tumakbo para congressman ng ikalawang distrito ng Quezon City pero natalo kay Jorge Banal na tiyuhin ng La Salle sophomore na si Gabriel Banal.
Marami rin ang nawala sa lineup ng La Salle kabilang na ang noong nakaraang season ay highly-sought after na si Arvie Bringas. Noong nga kasing nakaraang taon ay nagkaroon ng build-up ang La Salle na kumuha ng pagkarami-raming rookies. Dahil dito’y hindi sila nakarating sa Final Four. Pero imbes na manatiling intact ang Green Archers, marami na naman ang nawala at napalitan ng panibagong rookies. So, parang hilaw pa ring muli ang La Salle.
Pero hayun at inilampaso pa nila ang pinapaborang Fighting Maroons.
Magandang simula ito para sa Green Archers at Growling Tigers. At maganda rin ito para sa UAAP dahil sa magiging less predictable ang mga laro sa kasalukuyang season.
Bandera, Philippine Sports, 071210