Cris Villanueva, Albie Casiño siguradong mumurahin, kaiinisan sa ‘Drag You & Me’: ‘Gusto naming magalit sila sa amin at matuto sa pagkakamali nila’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Albie Casino, Andrea Brillantes at Cris Villanueva
SIGURADONG maraming magagalit kina Albie Casiño at Cris Villanueva kapag ipinalabas na ang bagong iWantTFC digital series na “Drag You & Me” na pinagbibidahan ni Andrea Brillantes.
Napanood na namin ang pilot episode nito sa ginanap na presscon kamakailan at talaga namang nakakaloka at nakaka-bad trip ang grupo nina Cris at Albie dahil sa pinaiiral nilang toxic masculinity.
Sila ang magiging representative sa kuwento ng “Drag You & Me” ng mga taong hanggang ngayon ay hindi pa rin nirerespeto at matanggap ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa Pilipinas.
“Gusto ko ‘yung role ko, gusto kong magalit sila sa ‘kin. Gusto kong magalit sila sa sarili nila kung katulad nila ‘yung role ko. Gusto kong maging ako ‘yung learning wand para sa sarili nila na makita nila na mali pala ‘yun or else it will just continue on,” ang pahayag ni Cris sa mediacon ng “Drag You & Me.”
Dagdag pa ng dating matinee idol noong dekada 90, “Ang daming uninformed na lalaki, ang daming toxic masculinity lalo sa Pilipinas. Tinolerate ng mga magulang natin ‘yan, ng society at tiningala natin ‘yung nung lumalaki tayo eh.
“I think it’s about time na magkaroon ng mga katulad ko sa role ko na matutunan, makita nila ‘yung sarili nila na mali ‘yun,” aniya pa.
Naniniwala naman si Albie na marami pa ring Pinoy ang hindi nakakaintindi sa LGBTQ community, “Ignorance is bliss, eh. Kung wala kang alam, if it’s different from you, nakakatakot talaga.
“Not everyone who’s really against it is really against it. Sometimes hindi lang sila familiar, natatakot sila sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. It’s up to us to inform them so they can make better decisions about these things,” pahayag pa ng binata.
Dagdag pang pagbabahagi ni Cris, “Feeling ko marami akong matuturuan na masyadong maraming lalaki ang tulad Ricardo, Sr. I guess marami akong matuturuan, maipapamahagi sa kanila.
“Acceptance is the key to have unity. Hindi ito basta everybody has to be rallying about being empowered. I think we have to empower everyone to accept everyone as a person.
“Kung ano ‘yung gusto nila, ibigay natin kasi hindi lang naman kaligayahan ng isang tao, ng sarili mo ang kailangan nating intindihin, kailangan ng katabi mo at ng nakikita mo,” dagdag pa niyang chika.
Mapapanood na ang “Drag You & Me” sa iWantTFC simula sa June 2. Bukod kay Andrea, ka-join din dito sina Christian Bables, Ice Seguerra, Romnick Sarmenta, Kaladkaren Davila at marami pang iba.