KASALUKUYANG nasa Pilipinas si reigning Miss International Jasmin Selberg upang makibahagi sa 2023 Binibining Pilipinas Grand Coronation night.
Ngunit bago siya dumating dito, nanggaling muna siya sa karatig-bansang Vietnam.
Sinimulan ng German beauty ang pamamasyal sa Timog-Silangang Asya sa pagdalaw niya sa Indonesia, kung saan siya dumalo sa final show ng Puteri Indonesia pageant. Ngunit unang opisyal na biyahe niya ngayong Mayo ang pagpunta sa Czech Republic sa Europa, kaya naka-apat na bansa na siya sa loob lang ng isang buwan.
Mula nang makoronahan noong Disyembre, nagkaroon na si Selberg ng opisyal na biyahe sa anim na bansa bilang Miss International.
Inanyayahan din siya sa dalawang bansa sa tahanang kontinente niyang Europa, sa Belgium at sa Estonia kung saan siya isinilang. Sinabi sa Inquirer ni Stephen Diaz, head director ng Miss International pageant organizer na International Cultural Association (ICA), na marami pang bansang pupuntahan ang reigning queen sa mga susunod na buwan.
Nakakalimang buwan pa lang mula nang masungkit ni Selberg ang korona sa ika-60 Miss International pageant na itinanghal sa Tokyo, Japan, noong Disyembre, ngunit patungo na siya sa pagiging pinakagalang titleholder ng organisason, kahit pa mapapaikli ang pagrereyna niya. Nakatakda na kasi siyang magsalin ng korona sa Oktubre, kaya 10 buwan lang siyang magrereyena.
“We’re grateful to the national directors who finally see the worth of Miss International,” sinabi ni Diaz sa Inquirer sa isang panayam nang dumalo sila ni Selberg sa rehearsals para sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City noong Mayo 27.
“Before, they didn’t see any value of inviting the reigning queen to their respective national pageants. So this is a testament of the national directors finally understanding and recognizing how important Miss International is,” pagpapatuloy niya.
Nauna na ring ibinahagi ni Diaz sa social media na maaaring itanghal ang pandaigdigang patimpalak sa tahanang lungsod niyang Bacolod. Ngunit nilinaw niyang wala pa itong katiyakan sa ngayon at nasa “exploratory stage” pa lang ang hosting. “We are going to follow it up, because [Bacolod Mayor Albee Benitez] is also busy. There are some pressing issues, locally, and we have to respect that those are more important,” ibinahagi niya.
“Nothing is official so far. He’s aware of it, he’s interested, and he wants to see whether it’s a good investment on his part, if it’s good for Bacolod,” pagpapatuloy pa ni Diaz, habang kinukumpirmang may iba-ibang mga bansa na ring nagpahiwatig ng pagnanais na mapagdausan ng 2024 Miss International pageant.
Kokoronahan ni Selberg ang tagapagmana niya sa ika-61 Miss International pageant sa Tokyo, Japan, sa Oktubre, kung saan magiging kinatawan ng Pilipinas si 2022 Bb. Pilipinas Nicole Borromeo na tatangkaing maging ikapitong Pilipinang hihiranging reyna.
Mapapanood si Selberg sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Mayo 28. Maaari nang bumili ng tickets sa Ticketnet. Ipalalabas ito sa A2Z channel 11 sa free TV, Kapamilya Channel at Metro Channel sa cable, at sa Bb. Pilipinas official YouTube channel 9:30 ng gabi. Mapapanood din ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng The Filipino Channel.