Shane Bernabe ng Kamp Kawayan waging The Voice Kids PH Season 5 grand champion
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Bamboo at Shane Bernabe
WAGI si Shane Bernabe bilang “The Voice Kids Philippines Season 5″ grand champion sa naganap na finals night ng Kapamilya reality singing search kagabi, May 21.
Mula sa Kamp Kawayan ni Coach Bamboo, ang tinaguriang Kiddie Rock Popstar ang nakakuha ng pinakamataas na combined online votes na nagdala sa kanya sa tagumpay.
Natalo niya sina Rai Fernandez ng MarTeam (Coach Martin Nievera) at Xai Martinez ng Team Supreme (Coach KZ Tandingan).
Sa huling laban para sa Power Ballad round, kinanta ni Shane ang classic Filipino song na “Sino Ang Baliw” habang binanatan naman ni Rai ang hit birit song na “Kailangan Ko’y Ikaw” at tinira naman ni Xai ang “I Am Changing.”
Ayon kay Coach Bamboo, mas bumilib pa raw siya sa last performance ni Shane sa “The Voice Kids” season 5, as in wala siyang masabi sa ipinakitang performance ng bagets sa finale.
“Grabe lang talaga. Ang paborito ko sa performance mo, yung mawawala ka lang. Nasa mata mo eh, you’re a ready performer. You’re already a champion. You did it. You owned it. Speechless si coach,” ang proud na proud na komento ng OPM rock icon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nanalo ang “alaga” ni Coach Bamboo sa “The Voice Kids.” Ang una ay si Elha Nympha na nanalo sa “The Voice Kids” season 2.
Bago ang last round, umani rin ng papuri si Shane sa duet nila ni Coach Bamboo sa first night ng Final Showdown, kung saan kinanta nila ang “Somewhere Over The Rainbow.”
Muling pinabilib ng bagets ang madlang pipol sa kanyang Upbeat Showstopper performance ng hit Gloc 9 song na “Sirena”.
Bukod sa Voice trophy, nakapag-uwi rin si Shane ng recording and management contract with UMG Philippines, at tumataginting na P1 million.
Sa season 5 ng “The Voice Kids PH Season 5” ipinakilala rin sina Robi Domingo at Bianca Gonzalez bilang mga bagong host.