DALAWANG Pilipina ang nagtatangka ngayon na maitala ang unang panalo ng Pilipinas sa Mrs. at Miss Global Universe pageants.
Si Ma. Glovel Castillo Marfila-Tasico ang kumakatawan sa Pilipinas sa Mrs. Global Universe pageant, habang sasabak naman si Jhan Nicole Ambata sa Miss Global Universe contest. Ipinadala sila ng Queen of Hearts Foundation Inc.
Kasalukuyang idinaraos nang sabay sa Johor Bahru, Malaysia, ang mga patimpalak, na inoorganisa ng Singapore-based na Lumiere International Pageantry. Wala pang Pilipinang nakasusungkit sa mga korona sa dalawang patimpalak.
Sinabi sa Inquirer ng organizer na si Justina Quek sa isang panayam sa Maynila na nagpasya ang organisasyong sabay na itanghal ang dalawang patimpalak para sa taong ito lang, ang unang edisyon mula nang sumiklab ang COVID-19 pandemic. Hiwalay na itinanghal ang mga naunang edisyon.
Walang itinanghal na mga patimpalak noong 2020, 2021, at 2022 dahil sa pandaigdigang krisis pangkalusugan na naghatid ng maraming pagbabawal sa mga pagkilos.
Kinoronahan si Tasico bilang Mrs. Philippines Asia Pacific Intercontinental sa 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant. Nauna siyang nakatakdang lumaban sa Mrs. Asia Pacific contest, ngunit dahil sa balasahan ng mga titulo noong 2021, tinanggap niya ang titulong Mrs. Philippines Global Universe na may bagong international assignment.
Samantala, itinalaga si Ambata kamakailan lang ni Queen of Hearts Foundation President Mitzy Go-Gil bilang kinatawan ng bansa sa 2023 Miss Global Universe pageant.
Itatanghal ang coronation ceremony ng 2023 Miss at Mrs. Global Universe pageants sa Forest City Golf Resort sa Johor Bahru, Malaysia, ngayong Mayo 21.