Mutya ng Pilipinas Annie Uson waging Miss Chinese World 2023

Kinokoronahan ni Miss Chinese World President Tan Sri Datuk Danny Ooi (kanan) si Annie Uson bilang 2023 Miss Chinese World./MISS CHINESE WORLD FACEBOOK PHOTO

Kinokoronahan ni Miss Chinese World President Tan Sri Datuk Danny Ooi (kanan) si Annie Uson bilang 2023 Miss Chinese World./MISS CHINESE WORLD FACEBOOK PHOTO

WAGING 2023 Miss Chinese World si Mutya ng Pilipinas Annie Uson sa patimpalak na itinanghal sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong Mayo 20.

Kinatawan ni Uson ang Maynila sa tauanng patimpalak na nagtitipon sa mga may lahing Tsino mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sinundan niya ang nagwagi noong isang taon na si Kao Man Jung mula Taipei, Taiwan.

Pinili ng pambansang organisasyon si Uson nang igawad ng pandaigdigang patimpalak ang prangkisa sa kanila. Sinabi ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino sa isang pagtitipon ng mga kawani ng midya na ipinatawag noong Marso na maaaring magpadala ng hanggang limang kandidata ang isang national licensee.

Semifinalist si Uson sa ika-50 anibersaryong edisyon ng Mutya ng Pilipinas pageant na itinanghal noong 2018. Sumali rin siya sa 2020 Mister and Miss Chinatown Philippines contest, at naging second runner-up sa kategoryang pambabae.

Si Mutya ng Pilipinas Annie Uson ang bagong Miss Chinese World./ARMIN P. ADINA

Ipinadala rin ng Mutya ng Pilipinas organization si reigning Miss Chinatown Philippines Berjayneth Chee sa Miss Chinese World pageant. Kinatawan naman niya ang Misamis Oriental sa pandaigdigang patimpalak

Nanggaling na si Chee sa isa pang pambansang patimpalak, ang Miss Philippines Earth pageant. Nasungkit niya ang titulong Miss Philippines Water noong 2018, sa mismong edisyon kung saan naman hinirang bilang Miss Philippines Earth si 2022 Miss Universe Philippines Celeste Cortesi.

Inorganisa ang Miss Chinese World pageant ng D’Touch International Sdn. Bhd. Foundation, ang organisasyon sa likod ng Miss Tourism International competition kung saan may matagal nang ugnayan ang Mutya ng Pilipinas organization.

Nakasaad sa opisyal na website ng Miss Chinese World pageant na “the beauty of heart, the world of wisdom” ang motto nito, at naglalayon itong magsulong ng turismo, magpalaganap ng pakikipagkaibigan at pagmamahal, at magbigay ng karanasan sa kulturang Tsino.

Read more...