NAKATANGGAP na ng pagkilala ang isang pares na kumakatawan sa Pilipinas sa isang bagong patimpalak sa Vietnam bago pa man ang coronation show ngayong araw.
Hinirang sina Michael Angelo Toledo at Kristel Galang, kapwa mga kinatawan ng Pilipinas, bilang “Best in Sports Wear” sa isang preliminary competition para sa Mister and Miss Fitness Supermodel World na isinagawa kamakailan lang.
Dinaig ni Toledo ang kinatawan ng host country, Vietnam, at karatig-bansang Thailand, na nagtapos sa ikalawa at ikatlong puwesto sa kategoryang panlalaki.
Sa kategoryang pambabae naman, dinaig ni Galang ang kinatawan ng Chinese Taipei na pumangalawa, at kalahok mula Laos na pumangatlo.
Baka Bet Mo: Pang-back-to-back kay Alexandra Mae Rosales sa Miss Supermodel Worldwide pipiliin na
Pumangatlo rin si Toledo sa kategoryang panlalaki ng national costume competition, suot ang modern Lapu-Lapu costume na nilikha ni Allan Camarin Dela Fuente. Taga-Cebu ang kandidato ng Pilipinas.
Tinanggap ni Toledo ang tungkuling ibandera ang Pilipinas sa Mister Fitness Supermodel World pageant nang hirangin siya bilang isa sa mga nagwagi sa ikasiyam na Misters of Filipinas pageant noong Oktubre ng isang taon.
Itinalaga naman si Galang, isang event host at aktres, ng Misters of Filipinas oganizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc., bilang katambal ni Toledo at bitbitin ang bansa sa Miss Fitness Supermodel World pageant.
Itatanghal ang unang edisyon ng Mister and Miss Fitness Supermodel World competition sa Bunh Thuan Province sa Vietnam ngayong Mayo 20.
Related Chika:
Mister Fitness Supermodel World Philippines Michael Angelo Toledo nahanap na ang ‘Miss’ niya
Jennylyn Mercado balik ehersisyo matapos manganak: Postpartum fitness isn’t easy