BAKIT kinakailangan pang isuspinde ang mga klase sa Metro Manila kahapon dahil lamang nagkaroon ng medical mission at bigayan ng relief goods ang Iglesia ni Cristo (INC) sa iba’t ibang lugar sa metropolis?
Bakit di na lang ginawa ang panggagamot sa may mga sakit at pagbibigay ng relief goods sa Luneta na puwedeng kumasya ang milyon-milyong tao?
Huwag sanang magalit sa akin ang INC dahil ako’y isang fan nito sa dahilan na karamihan sa mga miyembro ng INC ay mga disiplinadong mamamayan.
Pero bakit ginanap ng simbahan ang malaking pagtitipon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kahapon samantalang puwede naman sanang ginawa nila ito noong Linggo?
Di sana, may pasok ang mga estudyante kahapon at di nasayang ang kanilang pag-aaral.
>>>
Ang mga bali-balita na umabot sa inyong lingkod ay may ibang pakay ang malaking pagtitipon ng INC sa Metro Manila kahapon.
Hindi lang medical mission at pagbibigay ng relief goods ang pakay nila.
Ang tunay na pakay ay bigyan ng mensahe ang Malakanyang na nagtatampo ang simbahan kay Pangulong Noy.
Ang mga dahilan ng pagtatampo: Ang pagsipa kay Magtanggol Gatdula bilang director ng National Bureau of Investigation (NBI), ang pagpapatalsik kay Virginia Torres bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO), na pawang rekomendado ng INC; at ang pagsali ng isang miyembro ng INC sa revamp sa Bureau of Customs.
Parang mahirap paniwalaan ang mga balitang ito, pero kung ang mga ito man ay totoo, parang nag-aastang spoiled brat ang INC.
Bakit pinerwisyo ng INC ang ibang tao na nasa ibang relihiyon sa kanilang pagtatampo sa Malakanyang?
Maraming apektado kahapon dahil sa heavy traffic at sa kawalan ng mga estudyante ng isang araw na pag-aaral na dulot ng malaking pagtitipon ng INC.
>>>
Hindi kilala ng INC ang Pangulong Noy.
Hindi nila ito mapipilit na palitan ang kanyang desisyon kapag nagawa na niya ito.
Hindi nga pinagbigyan ng Pangulo ang Simbahang Katolika na nag-lobby na huwag ipasa ang reproductive health law.
Si P-Noy, na nag-aral sa Ateneo de Manila University, isang paaralan na pag-aari ng Simbahang Katolika, ay tinakot na ititiwalag sa pagiging Katoliko dahil sa reproductive health law, pero di siya natinag.
Wala ba kayong napansin na walang kamag-anak si P-Noy sa parte ng kanyang ina—ang mga Cojuangco, lalo na ang kanyang Tiyo Peping—na nabigyan ng puwesto sa kanyang administrasyon?
Ito’y dahil sa nabalitaan niya ang pinaggagawang katarantaduhan ng mga kamag-anak ng kanyang ina nang ito’y nasa puwesto pa.
Oo nga’t matigas ang ulo ni P-Noy, pero nasa lugar.
>>>
Matapos ang holiday para sa mga estudyante kahapon sa Metro Manila, ang lahat ng bansa naman ay magkakaroon ng holiday ngayong araw.
Ito’y dahil sa Eid al Adha, na Muslim “festival of sacrifice.”
Kung ang Pilipinas ay Muslim country, it’s understandable for us to go on a holiday today.
Pero hindi naman tayo Muslim country at ang mga Muslim ay nasa minorya. Bakit tayo may holiday?
Bakit di na lang magkaroon ng holiday sa mga Muslim provinces?
Bakit idadamay pa ang mga probinsiya ng Kristiyano?