Bruno Mars 2 araw nang magko-concert sa Philippine Arena dahil sa request ng mga Pinoy fans

PAGKATAPOS ng super successful na “Summer Blast 2023” music festival na dinaluhan ng 120,000 katao last week,  ang two-day concert naman ng Filipino-American multiple Grammy winner na si Bruno Mars ang susunod na event sa Philippine Arena.

Sa kabila ng malahiganteng 55,000 capacity ng world’s largest indoor arena, kinailangan pang magdagdag ng one night para makapanood ang mas maraming tagahanga sa concert ng international singer.

Ang naunang inanunsyo na June 24 concert ay masusundan agad ng isa pa sa June 25, dahil na rin sa “overwhelming demand” para sa tickets. In fairness, ganyan karami ang Pinoy fans na sumusuporta sa Fil-Am singer.

Proud naman si Bruno Mars sa kanyang Filipino roots – Puerto Rican ang kanyang ama at Pinay naman ang kanyang ina at isinilang siya sa Hawaii.

Sa isang interview, sinabi nitong chicken adobo ang paborito niyang pagkaing Pinoy. Matatandaan namang nagpadala ito ng $100,000 na tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda pagkatapos ng 2014 concert nito sa Pilipinas.

Baka Bet Mo: SB19 dream maka-collab si Bruno Mars; walang isyu sa ibang K-pop group

Nakilala si Bruno Mars sa mga kantang “Billionaire,” “Just the Way You Are,” “Treasure,” “Leave the Door Open,” “When I Was Your Man,” at marami pang iba. Hinangaan siya ng marami dahil sa kanyang galing sa paggawa ng musika, pagtatanghal at pagiging mapagmahal nito sa fans.

Isa lamang siya sa malalaking artists na nakalinyang magtanghal sa Philippine Arena ngayong taon.

Hitik sa international concerts ang Philippine Arena dahil sa dobleng laki ng venue kumpara sa mga nakasanayang indoor concert venues sa bansa.

Maliban sa mas marami ang nakakapanood, mismong mga artist ang naaaliw sa mas malakas, mas maingay at mas energetic na crowd na sumasabay sa kanilang pagkanta at pagsayaw.

Tila nagsisilbi ring barometro ang Philippine Arena sa katanyagan ng international artists sa bansa. Talaga namang tinangkilik ang concert ng SEVENTEEN, BLACKPINK at ni Harry Styles. Sa ulat ng local media, SEVENTEEN ang kauna-unahang K-Pop group na nakapuno ng Philippine Arena. ‘Full force’ naman ang BLINKs o fans ng BLACKPINK sa two-day concert ng grupo.

Lalo pa ngang pinagaganda ng organizers ang concert experience sa Philippine Arena. Panibagong sistema ng traffic flow management ang ipinatutupad habang sinisiguro rin ang transportasyon ng mga gustong makapunta sa venue para manood.

Kaya inaasahang magiging masaya at makabuluhan ang pagtatanghal ni Bruno Mars sa Philippine Arena. Mas malaking venue at mas maraming fans ang makakapanood sa ating kababayan na nakilala sa buong mundo dahil sa husay sa larangan ng musika.

Para sa tickets at iba pang katanungan, bisitahin ang https://www.livenation.ph/.

Related Chika:

Read more...